TEAM USA NASA PH NA PARA SA FIBA WORLD CUP

DUMATING sa bansa ang United States men’s basketball team kahapon ng umaga para sa kanilang kampanya sa FIBA Basketball World Cup 2023.

Target ng Americans na makabawi mula sa nakadidismayang kampanya sa 2019 edition, kung saan nagtapos sila na seventh lamang

Ang powerhouse squad ay nasa Group C kasama ang Jordan, Greece, at New Zealand, at sisimulan ang kanilang kampanya sa August 26 laban sa Tall Blacks sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Kasalukuyang ranked No. 2 sa buong mundo, ang United States ay naglagay ng medyo hindi eksperyensado sa kanilang roster sa FIBA World Cup, kung saan sina Josh Hart at Bobby Partis ang pinakamatanda sa 28-anyos lamang.

Kabilang din sa kanilang 12-man line up sina Cam Johnson, Walker Kessler, Austin Reaves, Tyrese Haliburton, Brandon Ingram, Jaren Jackson Jr., Paolo Banchero, Mikal Bridges, Jalen Brunson, at Anthony Edwards.

Tinapos ng koponan ang kanilang paghahanda para sa World Cup sa pagdispatsa sa Germany sa isang exhibition, 99-91, sa pangunguna ni Edwards na may 34 points.

Si Filipino-American coach Erik Spoelstra ay bahagi ng coaching staff ng Team USA, sa pangunguna ni Steve Kerr.

Nasa bansa na rin ang national teams ng Montenegro, Angola, Mexico, Egypt, Dominican Republic, at Greece, habang inaasahan ang pagdating ng Puerto Rico, Italy, Serbia, at New Zealand nitong Martes.