TEAMS PARA SA WORLD BEACH PRO TOUR CHALLENGE DUMATING NA

DUMATING na ang mga player mula sa 17 sa mahigit 30 bansa na sasabak sa Volleyball World Beach Pro Tour (BPT) Challenge nitong Lunes — tatlong araw bago ang elite beach volleyball competition na gaganapin sa limang brand new world-class sand courts sa Nuvali sa Santa Rosa City.

Ayon kay host Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon “Tats” Suzara, ang mga ito ay ang mga player mula sa Japan, Canada, USA, China, Japan, Brazil, Spain, Austria at Poland at ang men’s squads mula sa Turkiye, England, Australia, Ukraine, Italy, Lithuania, Portugal at Finland.

“It’s world-class beach volleyball action all of four days,” sabi ni Suzara, na pinasalamatan ang  Ayala Land sa pakikipagpartner sa PNVF sa pamamagitan ng limang competition at isang warmup courts sa Nuvali.

Ang qualification matches para sa men at women ay nakatakda sa alas-8 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa Huwebes, habang ang main draw sa Biyernes ay magsisimula sa alas-9 ng umaga habang final match ay sa alas-9 ng gabi.

Ang Sabado at Linggo ay para sa round of 16, quarterfinals, semifinals at finals ng torneo.

Ang PH squad, sa ilalim nina Brazilian coach Joao Luciano Kiodai at Mayi Molit-Pochina, ay binubuo nina Ran Abdilla at Jaron Requinton, James Buytrago at Rancel Varga, at Alche Gupiteo at Anthony Arbasto na sasabak sa men’s contest, habang ang women’s division ay kinabibilangan nina Gen Eslapor at Dij Rodriguez at  newbie Sofia Pagara at Khylem Progella.

May 16 teams sa bawat men’s at women’s main draw habang 32 teams ang sasabak sa qualification round  para sa bawat gender.

Inaasahan din ang elite beach volleyball players mula sa The Netherlands, Switzerland, Czech Republic, Germany, Estonia, Oman, Thailand, Latvia, New Zealand, Israel, Gambia, Morocco, Malaysia at Slovakia.

CLYDE MARIANO