“ANG kahirapan ay hindi hadlang para makamit ang mga pangarap sa buhay, kailangan lang magpursige at magsumikap.”, ito ang pahayag ng isa sa mga multi-skilled TVET graduate na si Judy S. Valencia. Para sa kanya, hindi naging madali ang pag-abot ng kanyang mga pangarap.
Ang kanyang ama ay isang magsasaka noong nabubuhay pa, habang abala naman sa mga gawaing bahay ang kanyang ina. Siya ay panglima sa walong magkakapatid. Nais makapag-aral ni Judy sa kolehiyo at maging isang pulis, ngunit dahil sa kahirapan, pansamantala siyang hindi nakapagkolehiyo. Ngunit sa pagsasara ng pinto kay Judy para sa kolehiyo, ay siya namang pagbubukas ng pinto ng TESDA para sa kanya.
Naghahanap umano ng mapapasukang eskwelahan si Judy para sa kolehiyo noong mapagdesisyunan niya na mag-aral sa TESDA dahil ito ay libre sa ilalim ng PGMA scholarship program noon sa kanilang lugar. Ito rin ang dahilan kaya natapos ni Judy ang kanyang libreng pagsasanay sa Food and Beverages Services NC I sa Ilocos Sur Community College. Ang nasabing paaralan ay isang publikong training institution sa Ilocos Sur.
Nang matapos niya ang kanyang kurso, may mga panibagong oportunidad na nagbukas para kay Judy. Nakapasok siya bilang isang on-call food attendant at florist sa mga restaurant sa kanilang lugar. Sa pamamagitan ng kanyang kinikita noong mga panahong iyon ay natustusan niya ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo.
Natupad ang pangarap niya na pumasok sa kolehiyo ngunit hindi sa kursong pangarap niya. Nakapag-aral si Judy ng Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management sa Ilocos Sur Community College dahil nais niya na mapalawak pa ang kasanayang natutunan niya sa TESDA.
Hindi natapos ang papel na ginagampanan ng TESDA sa buhay ni Judy mula noon hanggang ngayon. Nakuha siya bilang isang instructor/trainer sa Ilocos Sur Community College noong June 2002 at naging supervisor din ng Cabugao beach resort. Habang nagtatrabaho ay kumukuha pa rin siya ng mga kurso sa TESDA upang pagtibayin ang kanyang kaalaman at kasanayan. Kabilang sa mga kursong kinuha ni Judy ay Bartending NC II, House-keeping NC II, Bread and Pastry Production NC II, Food and Beverage Services NC III at Commercial Cooking NC III.
“Hindi dapat ikahiya kung tech-voc graduate ka, dahil ang mga training na galing sa TESDA ay naayon sa kung ano ang kailangan at demand ng ating bansa at maging sa ibang bansa. Sapagkat tayong mga Pilipino ay kinikilala sa abilidad at kakayahan ng bawat Pilipino.”, pahayag ni Judy tungkol sa TESDA.
Hindi man natupad ni Judy ang kanyang pangarap na maging isang Pulis, nagpapasalamat pa rin siya sa TESDA dahil nagkaroon siya ng trabaho na nakakatulong sa kanya at sa iba pang mga katulad niya na nangangarap. Ngayon, isa nang accredited instructor/trainer sa iba’t ibang kwalipikasyon at Program Head sa Hotel and Restaurant/Hospitality Management Department si Judy sa kanyang alma matter na Ilocos Sur Community College. Kabilang din si Judy sa mga naging kalahok sa 18th AAHRMEI National Annual Convention sa Hotel Baloi, Batam Indonesia.