ANG kanyang kagustuhan na matulungan at maiangat mula sa kahirapan ang kanyang pamilya ang nagtulak sa isang high school graduate na magpursige upang makatapos ng technical vocational (tech-voc) course.
Pagka-graduate ng high school, dalawang taon na tumigil sa pag-aaral si Ariel Molejon, 28-taong gulang, ng Bankal, Lapu-Lapu, Cebu at tumulong sa kanyang mga magulang.
Nagtrabaho siya bilang pintor, naging mangingisda, at nagbantay ng sanctuary sa kanilang lugar kung saan tumatanggap siya ng allowance.
“Iyon lang ang buhay ko noon after mag-graduate (ng high school). Wala na akong ganang mag-proceed ng schooling,” ani Ariel.
Hirap sila sa buhay dahil ‘di sapat ang kinikita ng kanyang ama sa pagiging karpentero. Samantalang isang simpleng maybahay naman ang kanyang ina at sila ay limang magkakapatid. At lalo silang naghirap nang tumigil sa pagkakarpentiro ang kanyang ama.
Nalaman nito ang Center for Industrial Technology and Enterprise (CITE) sa pamamagitan ng kanilang kapitbahay. Bawat taon, nangangalap ang CITE ng mga scholar sa kanilang lugar at isa siya sa mga pumasa sa exam at napili mula sa mahigpit na pagsuri sa mga applicant.
Ang CITE ay isa sa mga TESDA-registered institution na nagtuturo ng technical skills and entrepreneurship, sa mga mahihirap na kabataan sa pamamagitan ng dual training system (DTS).
“Ang kinuha kong kurso na Information Technology (IT) major in Multi-Media ay isang 3-year course na kung saan ang isa’t kalahating taon ay lahat theory ang itinuturo katulad ng technical drafting, animation, basic photo editing at value formation. Tapos ‘yung isa’t kalahating taon, OJT namin sa partner company. Ang apat na araw ay intended for the company, doon ka talaga mag-wo-work at ang isang araw ay magre-report sa school para sa evaluation kung ano ang natutunan mo sa loob ng isang linggo,” paliwanag ni Ariel.
“Ang training sa CITE ay nagsisimula sa tinatawag na STOP (Student Training Oriention Program), kung saan may training sa physical at mental para ma-test talaga ang kakayanan mo.”
Nagtangka umano siyang tumigil sa pag-aaral dahil sa hirap na kanyang naranasan at ang pagiging malayo sa pamilya, subalit nag-focus siya at naisip nya na dapat s’yang makatapos para na rin sa kanila.
Ngayon, si Ariel ay isa ng senior level data processor sa Research Now SSI, isang malaking Cebu-based multinational market research company.
“Na-absorb ako noong after OJT namin. Ga-graduate ako ng June 2013 pero January pa lang na-absorb na kami sa company,” ani Ariel.
Maliban sa kanyang regular job, tuwing weekend at holiday, nagpa-part time si Ariel bilang home-based “virtual assistant” sa mga e-commerce company na nakatutulong para sa araw-araw n’yang gastusin.
“‘Yung sideline ko, natutunan ko noong mag-upskill ako sa CITE. Kumuha ako ng course for web development, ‘yun ang nagagamit ko sa pag-freelancing sa mga client na mayroon e-commerce o online shops. Kami ‘yung kukuha ng description, features at images ng products, tapos ilalagay sa data base para iyon ang i-upload nila,” pahayag ni Ariel.
Ani Ariel, malaki ang naitulong at nagpapasalamat siya sa TESDA sa tagumpay na kanyang narating ngayon. Lahat ng kanyang natutunan ay nagagamit nito sa kanyang mga trabaho at nakatutulong siya sa pamilya para umalwan na ang kanilang buhay.
Wala siyang pinagsisihan sa pagkuha ng tech-voc course dahil maikling panahon lang ang igugugol sa pag-aaral, hands-on ang training at madaling makapagtrabaho. Isa pa, nasa high school pa lang siya, interesado na siya sa art at mahilig siyang mag-drawing. Katunayan sumasali siya sa mga contest ng slogan making at painting, kaya angkop ang kanyang kinuhang kurso.
Ang maipapayo nito sa iba na gustong sundan ang kanyang yapak, talagang tiwala lang sa sarili.
“Huwag mawalan ng pag-asa, hindi hadlang ang kahirapan para hindi ka mag-aral dahil mayroon naman talagang mga gustong tumulong. Kailangan mo lang, i-workout ang sarili mo kung gusto mong matulungan ka rin ng iba,” pagtatapos ni Ariel.
Comments are closed.