SA layunin na hindi na maulit pa ang nangyaring technical glitch sa air traffic management system sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sinimulan na kahapon ng Senado ang imbestigasyon dito.
Pinangunahan ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senator Grace Poe ang pagdinig.
Ayon kay Poe, layunin ng imbestigasyon ay upang hindi na maulit pa ang nangyaring insidente sa airport sa mismong araw ng Bagong Taon ( Enero 1) na maraming tao ang nakaranas ng aberya sa paliparan.
“Our goal is to make sure this will not happen again-not only by upgrading the system, over voltage and most recently, a faulty circuit breaker,” ani Poe.
Sa kabila nito ay kinuwestiyon din ni Poe ang kredibilidad ng Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa pag-iimbestiga nito sa naging technical glitch sa air traffic management system sa NAIA.
Pinasaringan ni Poe ang DOTr at CAAP na paano naman nangyari na sila ang nag-iimbestiga sa problemang sila rin mismo ang sabit.
Binigyang diin ni Poe na mahalagang matiyak na mayroong ‘impartiality’ o walang kinikilingan dapat sa nangyaring system glitch.
Pinuna rin nito sa pagdinig na mistulang niyayakap naman nabg husto ng NAIA ang pagiging “third most stressful airport” sa buong South East Asia at Oceania Region.
Sa ginanap na hearing, nais linawin ng mga senador kung ano nangyari at ano talaga ang naging sanhi ng aberya sa NAIA noong Bagong Taon na nakaapekto sa daan-daang domestic flights at libo-libong mga pasahero.
Humarap sa pagdinig sina Transportation Secretary Jaime Bautista, mga opisyal ng CAAP at iba pang transportation agencies gayundin si dating Transportation Sec. Arthur Tugade. LIZA SORIANO