MAGANDA ang pagbuo ng miyembro ng gabinete ni Pres. Bongbong Marcos. Umani ng puri ang inihayag na bumubuo ng kanyang economic team. Mula sa sektor ng kalakalan at negosyo pati na rin sa karamihan ng mga mambabatas sa papasok ng Kongreso, naniniwala sila na may kakayahan at karanasan ang miyembro ng economic team ni Pangulong Marcos.
Isa sa pumuna rito ay si Albay 2nd District Congressman Joey Salceda. Kilala si Salceda bilang magaling at bihasa sa usaping pinansyal at sa ekonomiya. Sa katunayan, noong unang pasok niya bilang kongresista noong 11th Congress, ginawa siyang chairman ng Committee on Trade and Industry at vice chairman ng Committee on Ways and Means and Economic Affairs. Sa tradisyon ng Kongreso, hindi ibinibigay ang mga malalaki at mahahalagang committee sa mga baguhang kongresista.
Ibinahagi ko lamang ito dahil nakapanayam ko siya kahapon sa aking programa sa telebisyon upang ibahagi niya ang kanyang kaisipan sa Marcos economic team at kung ano ang inaasahang suporta ng Kongreso para maipasa nila ang mga batas upang tulungan ang Ehekutibo sa pagsulong ng ating ekonomiya.
Sinabi ni Salceda na natutuwa siya na magagaling ang mga ‘technocrats’ na pinili ni Marcos upang ayusin at palakasin ang ating ekonomiya. Ayon sa diksyunaryo, ang technocrat ay mga eksperto sa mga teknikal na usapin at may managerial authority. Sa madaling salita, wala sa kanilang dugo ang pulitika. Ang adhikain nila ay kung paano makakakuha ng solusyon sa pamamagitan ng teknikal na kaalaman at maayos na pamamahala.
Pero dagdag din ni Salceda na kailangan din ng isang technocrat na mamumuno sa Department of Agriculture. Ayon kay Salceda, sa tinagal niya sa Kongreso, kapansin pansin na palagi na lamang balot ng kontrobersiya at korupsiyon ang nasabing ahensiya. Kaya naman, napipilitan ang Kongreso na limitahan ang badyet nito tuwing panahon ng pag-apruba ng badyet mula sa Kongreso.
Alam naman natin ‘yung nangyari sa tinatawag na ‘fertilizer scam’ kung saan binayaran umano ang sinabing fertilizer na wala palang delivery o kaya naman ay overpriced ang mga ito. Nandiyan din ang smuggling ng mga gulay na hindi dumadaan sa wastong taripa. At kamakailan ay ang importasyon ng tone-toneladang isda na umaray ang mga lokal na mangingisda natin.
Nagbabala si Salceda na maaaring magkaroon ng inflation sa mga susunod ng buwan dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine. Apektado rito, hindi lamang ang presyo ng langis, kundi pati na rin ang pagkain.
Kaya naman mahalaga daw na pagtuunan ng mabuti ng economic team ang agrikultura at enerhiya upang maagapan ang nasabing inflation.
Kaya para kay Salceda, kailangan din ng mga technocrat na mamuno sa mga nasabing ahensiya. Matatandaan na isa sa mga malapit sa puso ni Pangulong Marcos ay agrikultura at enerhiya. Alam na alam ni Marcos na mahalaga ang dalawang departamento upang umunlad ang ating ekonomiya.
Binigyan diin ni Salceda na kapag nakita ng Kongreso na seryoso ang programa sa agrikultura at isang technocrat na walang bahid ng korupsiyon ang mamumuno nito, handa ang Kongreso na magbigay dagdag na budget sa Department of Agriculture upang palakasin ang mga lokal na produkto. Tatangkilikin natin ang sariling atin. Magkakaroon ng karagdagang trabaho at uunlad ang ating ekonomiya.
Ganun din sa enerhiya. Ilang dekada na palaging manipis ang suplay ng koryente sa bansa. Matatandaan na nagkaroon pa tayo ng krisis sa enerhiya noong panahon ni President Cory Aquino. Walang maayos na mga power plants na palaging nasisira kaya naman nagkulang tayo sa suplay ng koryente. Rotational brownouts ang nangyari. Hirap ang ekonomiya at walang investor na gustong pumasok noong mga panahon na iyon.
Kaya naman sa administrasyon ni Marcos, dapat gumawa ng programa sa enerhiya na magkakaroon ng magandang kombinasyon ng renewable energy, solar, wind, natural gas, coal at ang posibleng magtayo ng nuclear plant.
Kaya mahalaga na ang mamuno rin sa Department of Energy ay isang technocrat na may alam sa nasabing industriya at magaling sa pamamahala o may management skills.