TEENAGE PREGNANCY SA BANSA

HINDI maitatatwa na ang maagang pagbubuntis sa hanay ng mga kabataan sa Pilipinas ay patuloy na nagiging alalahanin at isang hamon sa ating lipunan.

Isa itong isyu na nangangailangan ng masusing pagsusuri, malasakit, at kolektibong aksyon mula sa ating pamahalaan, pribadong sektor, at buong komunidad.

Sa pag-unlad ng teknolohiya at globalisasyon, ang edukasyon sa reproductive health ay mahalaga upang mabigyan ng wastong kaalaman ang ating mga kabataan.

Isa raw sa mga pangunahing sanhi ng teenage pregnancy ay ang kakulangan sa tamang edukasyon tungkol sa reproductive health.

Sa kabila ng mga programa at kampanya, marami pa ring mga kabataan ang hindi sapat ang mga impormasyong nasasagap hinggil sa tamang kaalaman ukol dito.

Kailangan nating palakasin ang mga edukasyon at kampanya na naglalayong magbigay ng wastong impormasyon hinggil sa reproductive health at family planning.

Ang aspeto ng kahirapan ay isa ring malaking contributor sa problemang ito.

Maraming mga kabataan ang nagiging biktima ng teenage pregnancy dahil sa kakulangan ng oportunidad at edukasyon.

Ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM), bumalangkas sila ng Philippine Population and Development Plan of Action (PPD-POA) na pinaniniwalaang makatutugon sa mga hamon sa populasyon gaya ng teenage pregnancies at pagtaas ng elderly population.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni POPCOM Deputy Executive Director Lolito Tacardon na bagama’t sumadsad ang bilang ng mga nabubuntis na Filipino women na 15 taong gulang hanggang 19 taong gulang, tumaas naman ang bilang ng mga menor de dad na nabubuntis din na 10 taong gulang hanggang 14 taong gulang.

Sa kasalukuyan, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., binibigyang-pansin at kinokonsidera na ang pagpapalawak at mas malalim na pagsasanay sa reproductive health education sa mga paaralan at komunidad.

Ang tamang impormasyon nga naman ay makatutulong sa mga kabataan na maging responsable sa kanilang sariling kalusugan at relasyon.

Ang pangangailangan ng suporta mula sa pamilya at komunidad ay hindi maaaring balewalain.
Dapat nating palakasin ang mga pamilya sa pagbibigay ng tamang gabay at suporta sa kanilang mga anak.

Ang bukas na komunikasyon sa loob ng pamilya ay nagbubukas ng mga pintuan para sa pag-uusap tungkol sa mga isyung may kinalaman sa reproductive health.

Sa aspeto naman ng ekonomiya, mahalaga ang papel ng edukasyon at trabaho sa pagbibigay ng oportunidad sa mga kabataan.

Ang pagtataguyod ng mga programa na naglalayong mapabuti ang access ng kabataan sa edukasyon at trabaho ay isang hakbang para mabawasan ang mga kaso ng maagang pagbubuntis.

Isa pa, ang pagbibigay ng mga scholarship, vocational training, at job placement ay maaaring magsilbing gabay para sa kanilang magandang kinabukasan.

Higit sa lahat, ang pag-usbong ng maagang pagbubuntis ay may malalim na ugnayan sa mga isyu ng kahirapan at kawalan ng oportunidad.

Ang mga kabataang nangangailangan ng suporta at hindi nakararanas ng sapat na pag-unlad ay mas malamang na mahirapang harapin ang mga pagsubok ng buhay. Dapat bigyan ng prayoridad ang pag-angat ng antas ng pamumuhay at edukasyon sa mga komunidad na may mataas na antas ng maagang pagbubuntis.

Sa pagkakaroon ng malalim na pang-unawa, malasakit, at pagtutulungan, maaari nating baguhin ang naratibong ito tungkol sa maagang pagbubuntis. Ang pagbibigay halaga sa karapatan at pangangailangan ng kabataan ay magbubukas ng mga pintuan para sa kanilang mas magandang hinaharap.

Sa kolektibong pagkilos, maaari nating gawing ligtas at maaliwalas ang landas para sa bawat kabataang Pilipino.