TEENAGER ARESTADO SA SINIKWAT NA MOTOR

SA kulungan bumagsak ang isang 18-anyos na teenager matapos tangayin ang motorsiklo ng isang company driver sa Malabon City.

Kinilala ni District Anti-Carnapping Unit (DACU) chief PMAJ Jessie Misal ang naarestong suspek na si Rodel Dela Peña ng Sacrista St., Brgy., San Agustin.

Sa imbestigasyon nina SMS Jun Belbes at SSg Joel Bancure, dakong alas-9:45 ng umaga, ipinarada ni Jayson Paguia, 34-anyos ng 167 Sanciangco, Catmon ang kanyang Honda Click motorcycle sa Sanciangco St., corner P. Aquino Ave., Tonsuya para bumili ng pagkain.

Dito, nagkaroon ng pagkakataon ang suspek na tangayin ang naturang motorsiklo subalit, nakita siya ng biktima kaya hinabol siya nito hanggang sa makahingi ng tulong si Paguia sa mga tauhan ni PLT Mark Xyrus Santos, hepe ng Sub-Station (SS5) na nagsasagawa ng routine patrol sa lugar.

Hinabol ang suspek ng mga pulis hanggang sa maaresto at mabawi ang motorsiklo ng biktima bago tinurn-over sa DACU para sa investigation at proper documentation.

Nahaharap ang naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 10883 (Anti Carnapping Act of 2016). EVELYN GARCIA