SA PAGDAAN ng mga taon, nakikita natin ang mabilis na pagbabago ng teknolohiya na kaakibat ang napakaraming impormasyon na sa isang pindot lang ay nakararating sa mamamayan.
Noon, hindi lahat ng tao ay may access sa internet dahil napakamahal noon ng subscription. Pero ngayon, naging mas madali na ang internet access at mas mura na ang halaga nito. Ang kailangan mo lang, mobile phone, o iba pang gadget. At kahit sa kaunting budget, puwede ka nang makipagtalastasan sa social media o socmed kung tawagin natin.
Maganda naman sana na naging mas madali na ang access ng mga Pilipino sa internet. Pero sa paglipas ng panahon, naging tulay ang social media sa iba’t ibang katiwalian tulad ng disinformation o yaong mga kumakalat na impormasyon na walang basehan, at ang iba, gawa-gawa lamang.
Ang paglala ng disinformation sa socmed ay kalat na kalat na at posibleng makaapekto sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Mas nagiging seryoso ang problema natin sa usaping ito kapag panahon ng kampanya hanggang sa mismong mga araw bago sumapit ang eleksiyon.
‘Yan kasi ang isa sa mga ginagamit na paraan ng mga supporters ng kandidato kung paano nila isusulong ang kandidatura ng kanilang manok, habang may ilang grupo naman na ginagamit ang socmed para manira ng isang kandidato o kung sinumang indibidwal.
Wala mang eksaktong datos na magpapakita kung gaano kalala ang epekto ng disinformation sa resulta ng eleksiyon, inatasan pa rin kamakailan ni Comelec chairman George Garcia ang isang unit ng poll body para suriin ang posibleng paggamit ng artificial intelligence o AI, gayundin ng deepfake technology sa eleksiyon.
Ipinag-utos ng opisyal ang pagbabawal sa teknolohiyang ito sa 2025 elections sapagkat maaari umanong i-impersonate nito ang mga personalidad na paniniwalaan naman ng publiko.
Sa kasalukuyan, mula 50% hanggang 85% ng mga Pinoy ay may internet access. Ayon sa Department of Information and Communications Technology, isa ang Pilipinas, kundi man nangunguna, sa mga bansang top users ng interne.
Tayo rin ang gumugugol ng maraming oras sa social media apps. Ibig sabihin, babad na babad talaga ang Pilipino sa socmed. Pero sa mga binibisita nating websites, ano-ano ang nakatutulong sa atin para maging productive tayo sa buhay?
Sana ay nakatutulong sa buhay natin ang pagbababad natin sa internet at ‘yan ang isa sa mga gusto nating mangyari base sa inihain nating panukala sa Senado – ang Senate Bill 625, o ang National Digital Transformation Act.
Layunin nito na mahulma ang digital skills ng mamamayan at gawing permanente ang isang national digital transformation strategy at ang isang national skills development strategy. Ito ay para masiguro na bawat Pilipino ay nabibigyan ng mas malinaw na pag-unawa sa kahalagahan ng information and communications technology (ICT) para naman ma-develop nila ang kanilang ICT skills. Kung may sapat tayong kaalaman dito, mas magiging malawak din ang kaalaman natin kung paano madi-disseminate ang tunay at pekeng impormasyon na nakikita at nababasa natin sa internet.