Telcos, nagsumite na ng roll-out plan sa NTC

IPINASUMITE na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang roll-out plans ng lahat ng public telecommunications upang masiguro na tuloy-tuloy ang pagpapabilis sa internet speed at iba pang telco services ng bansa.

Sang-ayon ito sa direktiba ni Pres. Rodrigo Duterte nitong nakaraang taon sa telcos na mapagbuti ang kanilang mga serbisyo.

Naipabatid na rin ng NTC sa DICT na isusulong nito ang implementasyon ng mga nasabing roll-out plan mula Enero hanggang Hunyo- tamang-tama sa nalalapit na SONA ngayong taon.

Magsasagawa rin ng buwanang pagpupulong ang NTC at DICT kasama ang telcos upang masigurong ginagawa ng mga ito ang kanilang mga isinumiteng roll-out plan.

Ang NTC at DICT ay tutulong sa telcos sa anumang kakaharaping problema sa implementasyon ng mga roll-out plan lalo na sa usaping ng “red tape”.

Sa kabila ng mga pagsubok na dulot ng COVID-19 pandemic, ang internet speed ng ating bansa ay patuloy na bumibilis sang-ayon sa ulat ng Ookla nitong nakaraang December 2020.

Sa halos 120 milyong speedtests na isinagawa sa ating bansa noong 2020 ay iniulat ng Ookla na 297.47% ang improvement sa ating internet average download speed sa fixed broadband at 202.41% naman para sa mobile broadband mula noong 2016 kung kailan nagsimula ang administrasyong Duterte.

Ang average download speed ng bansa para sa fixed broadband ay napabilis mula sa 7.91 Mbps (Hulyo 2016) na naging 31.44 Mbps (Disyembre 2020); samantalang, ang average download speed para sa mobile broadband ay bumilis din mula sa 7.44 Mbps (Hulyo 2016) ay naging 22.50 Mbps (Disyembre 2020).

Ang ikatlong major telco player na DITO ay handa na para sa commercial launch nito sa Marso.

Ang pagtatayo ng mga karagdagang cell tower ay kinakailangan upang maging competitive globally pa lalo ang internet speed ng Filipinas.

Comments are closed.