PIRMADO ng mayorya ng mga senador ang resolusyon na naglalayong isagawa ang sesyon sa Senado, committee hearing sa pamamagitan ng teleconference, video conference at iba pang uri ng remote o electronic means.
Labinlimang senador ang lumagda sa Senate Resolution no. 372 na nag-aamiyenda ng Rule XI, section 22 at rule XIV, section 41 ng rules of the Senate.
Kabilang sa mga Senador ay sina Senators Juan Miguel Zubiri, Ralph Recto, Franklin Drilon, Sonny Angara,Nancy Binay, Pia Cayetano, Ronald dela Rosa, Sherwin Gatchalian,Lito Lapid, Imee Marcos, Manny Pacquiao, Grace Poe, Bong Revilla, Joel Villanueva at Cynthia Villar.
Ikinatwiran ng mga senador na ang kanilang hakbang ay bunsod na rin sa patuloy na banta ng corona virus disease (Covid-19) sa bansa at ang paglaki ng bilang ng mga apektado o nagpopositibo sa nasabing sakit.
Nauna rito, nanindigan si Senate President Vicente Sotto III na hindi maaaring magkaroon ng teleconferencing sa pagbubukas ng sesyon ng Senado sa Mayo 4 dahil nakasaad ito sa kanilang legsilative agenda salig na rin sa Konstitusyon.
Tinukoy ng mga senador na nitong Marso 16, nagpalabas ang Pangulo ng Proclamation 929 na nagdedeklara ng state of calamity sa loob ng anim na buwan.
Itinatakda rin ang pagsasailalim sa enhanced community quarantine na nagbabawal sa mass gatherings o anumang uri ng pagtitipon at sa pagpapalawig ng ECQ hanggang Mayo 15, bagaman hindi maaaring pigilan ang Kongreso na gawin ang kanilang constitutional mandate na magpasa ng mga panukalang batas at talakayin ang mahahalagang usapin ngunit kina-kailangang matiyak ang kaligtasan ng mga mambabatas. VICKY CERVALES