HINILING ng isang kongresista sa Department of Energy (DOE) at sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na ibaon na sa lupa ang linya ng koryente, komunikasyon at cable television sa buong bansa.
Layunin ng suhestiyon na ito ni Leyte Rep. Henry Ong na maiwasan ang blackout at aksidente dahil sa mga napuputol na kawad at natutumbang poste tuwing may kalamidad o malakas na bagyo.
Paliwanag ni Ong, walang ibang lugar na ligtas na mapaglalagyan ang mga kawad ng koryente at iba pang kable kundi ang pagbaon dito sa ilalim ng lupa.
Kailangan aniyang simulan na gawin ito sa 2019 sa ilalim ng climate change adaptation and disaster mitigation program.
Batid naman, aniya, ng pamahalaan na ang bansa ay daanan at sinasalanta ng maraming bagyo taon-taon na madalas ay kasing lakas ng ‘Yolanda’.
Inirekomenda ng kongresista na unti-untiin ang underground cabling sa mga lugar na dinaraanan ng bagyo, kabilang ang Eastern Visayas, Bicol region, Northeastern Mindanao at eastern seaboard ng Luzon.
Dahil mangangailangan ito ng malaking investment at mabusising pagpaplano, iminungkahi ng mamba-batas na itulad ang underground cabling sa buong bansa sa model o prototype ng underground cabling sa Davao City. CONDE BATAC
Comments are closed.