TELECOMMUTING SA WORKERS

HINIMOK ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang mga employer na ipatupad ang batas para sa ‘telecommuting’ o alternatibong workplace sa mga empleyado tulad sa tahanan gamit ang telecommunications o computer technology.

Ang panawagan ay kasunod na rin ng mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Bagama’t ang orihinal na layunin ng batas na Republic Act 11165 o ang  Telecommuting Act ay para tugunan ang matinding traffic sa Metro Manila, naniniwala si Vargas na isa rin ito sa paraan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Sinabi pa ni Vargas, isa sa mga may akda ng batas, na mas ligtas ang mga empleyado kung sa mismong tahanan na lamang muna sila magtatrabaho.

Makatutulong din, aniya, ang telecommuting para sa mas mabilis na pagkontrol sa virus at sa ginagawang contact tra­cing ng mga awtoridad sa mga posibleng nakasalamuha ng mga pasyenteng kumpirmadong may COVID-19.

Sa ilalim ng telecommuting program, pinapayagan ang mga employer sa pribadong sektor na bigyan ng option ang mga empleyado nito para sa telecommuting na hindi maaapektuhan ang benepisyo, working hours, dami ng trabaho at security of tenure na katulad sa mga empleyado na nagtatrabaho sa mga opisina.                                                   CONDE BATAC

Comments are closed.