TELEMEDICINE MALAKING TULONG SA PUBLIKO NGAYONG PANAHON NG COVID-19

TELEMEDICINE

DAHIL mahigpit ang seguridad sa kalusugan ngayon ng mamamayan, hindi na sila maaaring lumabas ng bahay kung hindi rin lang kina-kailangan.

Hinggil naman sa karamdaman ang nais bigyang atensyon, maaaring masuri ng doktor kung ipinatutupad lamang sa bansa ang telemedicine.

Ito ang matagal nang isinusulong ni Senador Sonny Angara bilang pagkalinga sa kalusugan ng mga Filipinong naninirahan sa malalayong probinsiya na aplikable sana ngayong panahon ng COVID-19.

Aniya, dahil lubhang mapanganib sa bawat isa ang karamdamang ito, malaking tulong sana ang teknolohiya sa medisina.

“Nakikita naman natin na simula nang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa, hirap na ang mga ospital na tumanggap ng mga pasyente dahil dumarami na ang nagkakasakit. Hindi rin tayo pwedeng basta na lang bumisita sa doktor dahil mapanganib ang pisikal na konsultasyon,” ayon kay Angara.

“Sa mga ganitong pagkakataon, mainam sana na meron tayong telemedicine. Sa pamamagitan kasi ng teknolohiyang ito, maaari na tayong magpasuri sa mga doktor sa pamamagitan ng cellphone at computer kung mayroon tayong internet,” saad pa ng senador.

At para aniya matiyak ang maayos na daloy ng internet, hinimok niya ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na siguruhing may internet connection maging ang malalayong lugar.

Ito lang, anang senador ang natatanging paraan upang masuri ang mga pasyente na hindi na sila kailangang personal na bumisita sa mga doktor.

Para sa senador, hindi na bago ang konsepto ng telemedicine sapagkat noong 2010, ipinanukala na ng Congressional Commission on Science and Technology and Engineering (COMSTE), kung saan isa siya sa mga dating miyembro ang “telehealth”.

Nagsilbi namang chairman ng naturang komite ang kanyang ama, si dating Senate President Edgardo Angara na siyang nagsulong ng “telehealth”, na aniya’y maituturing na game changer sa aspetong medikal ng Filipinas.

Sentro ng naturang proyekto ang mga mamamayang nasa malalayong lalawigan at magiging daan din upang magkaroon ang bansa ng digital medical records.

Sa kasalukuyan, ipinapagamit na ng UP Manila-National Telehealth Center sa mga doktor at healthworkers ang eHealth at telemedicine tools sa pagbibigay ng dekalidad na pangangalaga sa kanilang mga pasyente.

Malaking tulong din ito sa Doctors to the Barrios program ng Department of Health (DOH), upang mabigyan ng nararapat na atensiyong medikal ang mga may karamdaman.

Kaugnay nito, sinabi ng DOH na simula nitong Abril 7, libre na ang telemedicine consultations ng mga pasyenteng nangangailangan ng COVID-19 medical advice at iba pang uri ng karamdaman.

Nakatakda namang isulong ni Angara ang DOH-endorsed bill na nagtatatag sa isang Philippine eHealth system and services na kapapaloo-ban ng telehealth at telemedicine .

Sa ilalim ng naturang panukala, lilikhain at ipatutupad ang isang Health Sector Enterprise Architecture na tututok sa operasyon ng iba’t ibang eHealth services  and applications.

Sa pamamagitan nito, ipatutupad ang paggamit ng Electronic Prescriptions upang sa mga panahong tulad ngayon na nasasailalim ng kwarantina ang mamamayan ay maaari pa rin silang maresetahan ng mga doktor. VICKY CERVALES

Comments are closed.