TENNIS: EALA PASOK SA TOP 1,000 NG WTA RANKINGS

Alex Eala

KABILANG si Filipino tennis phenom Alex Eala sa Top 1,000 ng WTA rankings, kung saan umakyat ito sa No. 942 ngayong linggo.

Lumundag ang 15-anyos ng 248 puwesto sa likod ng kanyang tagumpay sa ITF Rafa Nadal Academy World Tennis Tour tournament noong nakaraang linggo.

Sa kanyang Facebook account ay ibinida ni Eala ang kanyang achievement ngunit binigyang-diin ang pangangailangan ng laging pagsisikap.

Si Eala ay No. 3 sa ITF Junior Rankings hanggang nitong Pebrero 1.

Nagpamalas ng katatagan ang Pinay sa finals ng ITF tournament noong nakaraang linggo kung saan humabol siya para pataubin si Spanish veteran Yvonne Cavalle-Reimers, 5-7, 6-1, 6-2.

Mismong si 20-time Grand Slam champion Rafa Nadal ang bumati kay Eala via Instagram post.

Comments are closed.