TENSYON SA WPS TUMITINDI

ITINUTURING ng isang military analyst na isa sa matinding krisis na kinakaharap ngayon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ang tumitinding tension sa West Philippine Sea kasunod ng napaulat na ramming at towing incident sa pinakahuling Rore Mission.

Posible rin umanong maging litmus test ito sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at U.S kung totoo ang mga naglabasang ulat hinggil pinakabagong panghaharass at pagbangga ng China Coast Guard sa resupply boat ng Philippine Navy.

Hindi pa naglalabas ng kanilang kumpirmasyon o pagtanggi ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines at maging ang Department of National Defense hinggil sa mga naglabasang report.

Hinihinalang ang pananahimik ng AFP sa ngayon ay dahil sa posibilidad na kumukonsulta na ngayon ang MDT board sa pagitan ng U.S at Pilipinas para pag usapan ang posibleng susunod na aksyon.

Hanggang kahapon ay hindi kinukumpirma ng AFP ang mga pahayag ng US State Department na ibinahagi ng U.S Embassy in Manila at maging ng China na ibinahagi ng kanilang embahada sa Pilipinas.

Ayon sa US State Department statement , “The United States stands with its ally the Philippines and condemns the escalatory and irresponsible actions by the People’s Republic of China (PRC) to deny the Philippines from lawfully delivering humanitarian supplies to service members stationed at the BRP Sierra Madre on June 17. PRC vessels’ dangerous and deliberate use of water cannons, ramming, blocking maneuvers, and towing damaged Philippine vessels, endangered the lives of Philippine service members, is reckless, and threatens regional peace and stability.”

Ayon naman kay Gan Yu ang taga pagsalita ng China Coast Guard Gan Yu “ The China Coast Guard took control measures in accordance with the law, including issuing warnings, boarding Philippine vessels and conducting inspections, and forcibly driving them away vessels that illegally intruded into waters near Ren’ai Reef in the South China Sea on Monday.”

Kinondena ng US ang agresibo mapanganib na pagmamaniobra ng China Coast Guard malapit sa Ayungin (Second Thomas) Shoal, na nagresulta umano para may masaktan at masira sasakyang pandagat ng Pilipinas.

Nababahala rin ang European Union (EU) sa pinakabagong aksyon ng China sa RoRe mission ng Pilipinas malapit sa Second Thomas Shoal.

Sinabi ni EU Ambassador Luc Veron na dahil sa mapanganib na maniobra ng barko ng China ay nagtamo ng pinsala ang mga barko ng Pilipinas at naantala ang maritime operations sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.

Inihayag ng EU na hindi katanggap-tanggap ang karahasan ng China Coast Guard at Chinese militia vessels sa South China Sea at sa iba pang lugar.

Nanindigan ang EU sa pagsuporta nito sa international law at sa mapayapang pagresolba sa mga usapin sa West Philippine Sea.

Maging ang France ay nanawagan na igalang ang United Nations Convention on the Law of the Sea at freedom of navigation.

“We oppose any threat or use of force contrary to international law and recall the importance of resolving disputes through dialogue. We also recall the decision rendered by the Arbitral Court on July 12, 2016.”

Samantala, sa panayam kay security analyst Prof. Renato de Castro, malinaw na illegal use of force ang nangyaring pag-tow at pag- board ng chinese coast guard ng isang fast patrol craft ng Philippine Navy sa Ayungin shoal kung totoong ang ulat na nangyari ito.

Kung pagbabatayan ang mga pahayag ng US indo-pacific command, ang illegal use of force ay sapat ng basehan para ma-trigger ang US-PH MDT.

Sinasabing seryoso ang nangyari sa ayungin dahil military ship ang ginipit ng china lalo na kung totoong kinuha ang mga baril ng sundalo ng sapilitan na hindi naman kinumpirma ng AFP na nangyari. VERLIN RUIZ