HINDI alam ni dating Tourism Secretary Wanda Teo na ang kanyang kapatid na si Ben Tulfo ang namamahala sa programang “Kilos Pronto” sa PTV 4.
Ito ang ginawang pag-amin ni Teo kaugnay sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee kaugnay sa kontrobersiyal na P60 milyong advertisement ng Department of Tourism sa nasabing programa kung saan host ang kanyang mga kapatid na sina Ben Tulfo at Erwin Tulfo.
Sa nasabing hearing, tinanong si Teo ni Senador Richard Gordon, chairman ng komite, kung alam nito na ang kanyang mga kapatid ang host ng naturang programa.
Ang alam lamang umano ni Teo ay pagmamay-ari ni Ben ang Bitag Media Unlimited Inc., (BMUI) at hindi rin umano siya nanonood ng telebisyon dahil lagi siyang nasa biyahe.
“I didn’t know that Kilos Pronto is of Ben Tulfo. All I know is that he is Bitag,” ani Teo kung saan wala rin aniyang nagsabi sa kanya na ang hosts ng “Kilos Pronto” ay ang kanyang mga kapatid.
“Had I known it, I would not sign the contract,” wika ng dating kalihim.
“Wala po akong time manood ng TV (I have no time to watch TV). I am a very busy person, I am traveling a lot,” dagdag pa ni Teo.
Nalaman lamang umano ni Teo na host sa nabanggit na programa ang kanyang dalawang kapatid nang pumutok ang naturang isyu.
Matatandaang nagbitiw sa kanyang puwesto bilang kalihim ng DOT sa gitna ng kontrobersiya sa nasabing advertising deal. VICKY CERVALES