TEODORA MORALES ALONZO REALONDA Y QUINTOS, INA NI RIZAL

SI Teodora Morales Alonzo Realonda y Quintos ay ang ina at unang guro ng pambansang bayani ng Pilipinas na si Jose Rizal.

Noong November 9, 1827, isinilang si Teodora Morales Alonzo Realonda de Rizal y Quintos, sa Meisik, Tondo, Manila. Mahigpit daw siya at dedicated, magalang at masipag na ina. Bilang unang guro ni Rizal, naging napakalaki ng impluwensya niya sa nasabing bayani. Siya rin ang dahilan kung bakit kumuha ng medisina si Rizal.

Si Teodora ay ikalawang anak ni Lorenzo Alonso at Brijida de Quintos. Bilang pagtupad sa kautusan ni Governor-General Narciso Claveria noong 1849, pinalitan ang kanilang apelyido sa “Realonda de Rizal”. May kaya ang kanilang pamilya kaya nakapag-aral si Teodora sa Colegio de Santa Rosa sa Maynila.

Halos 20 anyos lamang siya nang pakasal kay Francisco Mercado ng Biñan, Laguna noong 1848. Nanirahan sila sa Calamba, Laguna at biniyayaan sila ng 11 anak na sina Saturnina, Paciano, Narcisa, Olimpia, Lucia, Maria, Jose, Concepcion, Josefa, Trinidad, at Soledad. Pagsasaka ang kanilang ikinabubuhay.

Bilang ina ng itinuturing na kaaway ng Espanya, madalas usigin si Teodora. Noong 1872, ikinulong siya ng dalawa at kalahating taon, matapos pagbintangang lumason sa asawa ng kanyang kapatid. Noong 1891, pinaglakad siya ng 50 kilometro mula Sta. Cruz, Laguna, dahil hindi niya ginamit ang kanyang apel­yidong Realonda de Rizal. Iginiit niya ang paggamit ng Alonzo. Pinalayas ang kanyang pamilya sa Calamba kaya lumipat sila sa Maynila.

Isang oras bago binitay si Dr. Jose Rizal, nag-iwan siya ng sulat sa kanyang ina na nagsasaad na:

“Sa mahal kong ina, Sra. Da. Teodora Alonzo. Ika-6:00 ng umaga, Disyembre 30, 1896. Jose Rizal.”

Noong 1907, idineklarang pambansang bayani si Rizal. Nag-alok ang American authorities ng panghabambuhay na pension sa kanya ngunit tinanggihan ito ni Teodora.

“Hindi masyadong kailangan ng pamilya namin ang pera,” aniya. “Kung malaki talaga ang pondo ng gobyerno, mas maganda kung bawasan na lamang ang buwis.”

Noong Agosto 16, 1911, namatay ang ina ni Rizal sa kanyang taha­nan sa San Fernando Street, Binondo, Manila. Binigyan siya ng libing na nararapat sa isang bayani. — LEANNE SPHERE