TEODOSIO SINUNGKIT ANG UNANG GOLD SA NATIONAL OPEN

ILAGAN, Isabela – Kinuha ni Aira Teodosio ang unang gold medal sa ICTSI Philippine Athletics Championship kahapon sa Ilagan Sports Complex dito.

Inihagis ng 25-anyos na si Teodosio ang iron plate sa layong 38.46 meters sa ikalawang attempt upang magreyna sa discus throw.

Nakopo ng ipinagmamalaki ng Silay City ang kanyang unang national championship, at tinalo ang ilan sa top at up-and-coming athletes na kinabibilangan ng mga katulad njna veterans Kenneth Grace Ferrera at six-time titlist Narcisa Atienza.

“Naghanda ako nang husto dahil gusto kong manalo at makalaro sa Southeast Asian Games,” sabi ni Teodosio na dala ang bandera ng host Ilagan.

Ang golden throw ni Teodosio ay malayo sa national record na 54.71 meters na naitala ni Josephine dela Vina sa USA Outdoor TF Championship noong 1971.

Target ni Teodosio na dominahin ang shot put at hammer throw at kumpletuhin ang perfect 3-of-3 performance para pataasin ang kanyang morale at fighting spirit sa Southeast Asian Games sa Cambodia.

“Ang goal ko ay manalo sa una kong event. Masaya ako nagawa ko,” wika ni Teodosio, graduate ng sports management sa University of Santo Tomas.

Dinomina ni Jocelle Lesti ang shot put under 18 sa pagtala ng 8.35 meters habang nanalo si Janine Ledina sa women’s javelin under 20 (36.85 meters).

Napigilan ni Mark Paladius ng Malaysia ang pamamayagpag ng mga Pinoy sa Day 1 nang magwagi sa men’s long jump 20-Under sa 6.84 meters. Tinalo niya sina Renchard Pagulayan at Alvin Lopez Jr. na inangkin ang silver at bronze sa 6.80 meters at 6.75 meters, ayon sa pagkakasunod.

Ang mananalo sa bawat event ay makakakuha ng 100 ranking points at magku-qualify sa World Athletics Championship na gagawin sa August sa Hungary.

May 165 medalya sa 80 events sa open elite, under 20 at under 18 ang paglalabanan sa limang araw na athletics competition na pangatlong beses na ginawa sa Ilagan, na tinaguriang “Corn Capital of the Philippines.”

“I am expecting an exciting and interesting athletics competition because of the presence of foreign athletes, Filipino heritage and upcoming athletes from UAAP, NCAA and SCUAA whose ambition is to play for the country in international competitions,” sabi ni Reli de Leon, special assistant to Patafa president Agapito “Terry” Capistrano, sa panayam sa kanya sa opening ceremony na dinaluhan ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richard Bachmann.

CLYDE MARIANO