HINDI maitatanggi na ang pagpapalawig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa termino ni Philippine National Police Chief General Benjamin Acorda Jr. hanggang March 31, 2024, ay nagdulot ng malakas na pagtatalo at mga opinyon sa sambayanan.
Siyempre, ang anunsyo na ito, na ipinalabas ng Presidential Communications Office (PCO), ay nagbigay-daan sa samu’t saring pananaw mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sa kabila ng plano ni Acorda na magretiro noong December 3, 2023, inaasahan ng marami na makakakita tayo ng bagong liderato sa PNP. Subalit, sa biglang pag-usbong ng anunsyo ng pagpapalawig, muling nanariwa ang isang paksang tila ba’y hindi gaanong inaasahan ng nakararami.
Sa liham ng Pangulo kay Acorda, malinaw na ipinaliwanag ang legal na basehan ng pagpapalawig, na ayon sa mga umiiral na batas, may kapangyarihan ang presidente na gawin ito. Gayunpaman, may mga naglalabasang boses na nagtatanong kung ito ba ay nararapat, lalo na’t ito ay magsasanhi ng pag-urong sa plano ni Acorda na magretiro na sa edad na 56, ang compulsory retirement age para sa mga nasa police service.
Nais nating alalahanin na ang pagpapalawig sa termino ng mga opisyal na itinalaga ng pangulo ay may malalim na implikasyon sa liderato at pamamahala ng isang ahensya, lalo na’t ang PNP ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.
Ang diskusyon ukol dito ay hindi lamang usapin ng personal na kapakinabangan ng PNP Chief, kundi usapin ng maayos at epektibong pamumuno para sa buong kapulisan at publiko.
Sa term extension ni General Acorda, isang beterano at may malalim na karanasan sa PNP, marami ang umaasang makikita nila ang pag-usbong ng mga bagong lider na may mga bagong ideya at perspektibo. Gayunpaman, sa pagpapalawig ng kanyang termino, tila ba’y muling naantala ang pagkakaroon ng bagong liderato sa pambansang pulisya.
Nais nating muling ipakita na ang pagsusulong ng mga prinsipyo ng good governance, transparency, at accountability ay mahalaga sa isang demokratikong lipunan. Hindi sapat ang legalidad ng pagpapalawig, dapat itong maging bukas sa pagsusuri at kritisismo mula sa sambayanan.
Sa paglapit ng termino ni Acorda sa kanyang tinatawag na “extended” na panunungkulan, mahalaga na ang bawat hakbang na kanyang gagawin ay maging “transparent” at may suporta mula sa mamamayan.
Well, nangyayari naman ito sa kasalukuyan. Buo ang suporta ng sambayanan sa hakbang ukol sa pagpapalawig ni PBBM ng termino ng top cop. Aba’y sa ganitong paraan, masisiguro natin na ang PNP ay patuloy na nagtataguyod ng katarungan at kapayapaan na may malasakit sa buong sambayanan.