TERM EXTENSION NI PNP CHIEF GAMBOA POSIBLE

Archie Francisco Gamboa

POSIBLENG umanong mapalawig pa ang tour of duty ni Philippine National Police (PNP) chief General Archie Gamboa.

Ito ay dahil sa wala pang inihahayag ang Malakanyang kung sino ang papalit sa mababakanteng puwesto ni Gamboa na magreretiro na sa dara­ting na Setyembre 2 ng taong kasalukuyan.

Nauna rito, lumutang ang posibilidad na ma-extend si Gamboa dahil sa umiiral na krisis pangkalusugan dulot ng COVID-19 pandemic.

Gayunpaman, kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na naisumite na niya ang shortlist ng mga kandidato para susunod na PNP chief kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Ani Año, desisyon na ni Pangulong Duterte kung palalawigin nito ang termino  ni  Gamboa ngayong nakatuon ang pamahalaan sa paglaban sa COVID-19.

Sinabi ng kalihim, tatlong pangalan ng heneral ang kaniyang isinumite sa shortlist pero itinangging pangalanan ang mga ito  gayundin ang kanilang ranggo o posisyon.

Kabilang sa  mga contender ay sina Lt. Gen. Camilo Cascolan, deputy chief for admi­nistration and head of the Administrative Support to Covid-19 Operations Task Force (ASCOTF); Lt. Gen. Guillermo Elea­zar, deputy chief for ope­rations and commander of the Joint Task Force Covid Shield; and Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, chief of the PNP directorial staff.

“Lahat naman ng three-star ranks’ ay kandidato at prayoridad na pagpipilian. Depende naman sa Pangulo kasi kahit hanggang one-star rank puwede din siya mamili,” giit ni Año.

Subalit, kung senio­rity ang paiiralin, puwede si Cascolan na magreretiro sa darating na Nobyembre na batchmate ni Gamboa sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1986.

Samantalang sina Binag at Eleazar, kapwa mula sa PMA Class 1987 ay mag­reretiro naman sa Abril at Nobyembre, 2021.

Gayunpaman, tuloy-tuloy ang ginagawang pag­hahanda ng PNP sa posibleng change of command at retirement honors para kay Gamboa, depende sa availability ng Pangulong Duterte.

Ayon kay PNP Spokesperson Brig.Gen. Bernard Banac, isasagawa ang seremonya sa multi-purpose hall sa Camp Crame, kung saan istriktong oobserbahan ang quarantine protocols.

Ayon kay Banac, ang lahat ng mga inanyayahang opisyal ay makikilahok sa seremonya sa pamamagitan ng video conferencing.

Aniya, inaantaba­yanan ng PNP ang instructions ng Pangulo. VERLIN RUIZ

Comments are closed.