TERM-SHARING NI CAYETANO KUWESTIYONABLE

MASAlamin

MAAARING ma­tengga ang legislative agenda ni Presidente Rodrigo Duterte sa pinalulutang ni Taguig Representative Alan Peter Ca­yetano na term-sharing agreement para sa Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Para sa dalawang beteranong kongresista na sina Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel at Buhay Party-list Representative Lito Atienza, makaaantala sa pag-usad ng mga panukalang batas na kinakailangan ng taumbayan kung may dalawang House Speaker sa 18th Congress.

Sa panukala ni Ca­yetano, siya muna ang uupo at pagkatapos ay si Marinduque Representative Lord Allan Velasco naman.

Ayon kay Pimentel, hindi magandang ideya ang gustong mangyari ni Cayetano dahil madali itong sabihin pero napakahirap gawin.

Paliwanag niya, ang bawat House Speaker ay palaging mayroong sariling team na inilalagay niya sa mga komite at iba pang importanteng posisyon at kung papalitan lang din sila, hindi magkakaroon ng continuity at mahihinto ang deliberasyon sa mga importanteng batas.

Magiging mauga rin daw ang Lower House at hindi mapapalagay sa kanilang trabaho ang mga kongresista dahil sa term-sharing.

Noong 17th Congress, hindi nakapasa ang mga priority bill (kabilang ang mga panukalang batas ukol sa ekonomiya at panlipunang serbisyo) ni Presidente Duterte.

Para naman kay Atienza, hindi praktikal at hindi magiging epektibo ang term-sharing sa speakership dahil ang bawat kongresista ay bumoboto ng isang Speaker na kanyang susuportahan sa loob ng tatlong taon o ng isang buong Kongreso.