TERMINO NI ACORDA PINALAWIG

PINALAWIG pa ng halos apat na buwan ang pamumuno ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Benjamin C. Acorda Jr.

Nitong Linggo, Disyembre 3 ay naabot na ni Acorda ang mandatory age retirement na 56 subalit, walang announcement kung sino ang kanyang kapalit.

Kahapon sa regular Monday flag raising sa Camp Crame ay pasasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naging pambungad sa talumpati ni Acorda.

“I would like to express my deepest gratitude to our President Ferdinand Marcos Jr. I am truly humbled by his continued trust and confidence in my capability,” ani Acorda.

Kasabay nito, naglabas ng pahayag ang Malakanyang na nagkukumpirna ng pagpapalawig sa termino ni Acorda hanggang Marso 31, 2024.

Ang pagpapalawig sa termino ni Acorda ay idinaan sa isang liham na nagmula kay PBBM.

“I wish to inform you that pursuant to the provisions of existing laws, your service as chief PNP, is hereby extended until March 31, 2024,” bahagi ng liham na may lagda ng Pangulong Marcos.

Ang extension ng termino ni Acorda ay lehitimo dahil ginamit ni PBBM ang Executive Order Number 136 series of 1999 na kumikilala sa kapangyarihan ng Pangulo na aprubahan ang extension of service ng presidential appointee.

Si Acorda na miyembro ng Philippine Military Academy Sambisig Class of 1991 ay ikalawang PNP chief ni Marcos na itinalaga noong Abril 24, 2023.

Bago maging ika-29 PNP chief, si Acorda ang pinuno ng Directorate for Intelligence (DI).
EUNICE CELARIO