BUWAN ng Setyembre, taong 2013 o halos apat na taon na ang nakararaan, hinimok ni Pope Francis at ni Grand Mufti Ahmad Badreddin Hassoun, isang lider ng mga Muslim sa Syria, ang buong mundo na magdasal at mag-ayuno para sa bansang Syria na sinisibasib noon ng pambobomba ng nakalalasong kemikal na umuutas sa lahat ng tamaan ng mga ito.
Wala pang ISIS na pinag-uusapan noon, administrasyon pa lamang ni Syrian President Bashar al-Assad na isinasagawa ang malagim na pambobomba umano laban sa mga rebelde.
Ngayon mas alam na natin, ISIS pala ang mas matinding unos na parating na yuyugyog sa buong daigdig. May ISIS na pala sa Iraq pa lamang matapos umalis ang mga Amerikano roon.
Dati ni walang nauulinigang ISIS na naghahanap ng caliphate na sasagpangin, ngayon full-blown tumor na ang terorismo ng ISIS na nananalasa maging sa Filipinas sa pamamagitan ng Maute Group na nagtangkang sagpangin ang siyudad ng Marawi upang gawing caliphate ni satanas.
Ang Estados Unidos na matagal nang nakaporma sa Syria upang sawatain ang kaguluhan doon ay wala naman palang magagawa magpasahanggang ngayon, porma lamang pala.
Ngayon ang labanan sa Syria ay sa pagitan ni Assad na pumapatay ng kahit sino na lamang kahit mga musmos at kababaihan sa pamamagitan ng chemical bomb at ISIS na kasing lupit ni satanas na walang habas na kinakarne ang mga kapwa-tao natin doon.
Ganyan din ang pinaggagagawa ng Maute Group at Abu Sayyaf sa Filipinas, na parehong kampon ni satanas.
Ang buong mundo ay nasa ilalim ngayon ng bangis ni satanas sa pamamagitan ng ISIS. Magdasal nawa ang bawat isa sa atin upang masugpo ang kanser ng lipunan na ito na pinuspos ng maling ideyolohiya at paniniwala.
Magdasal tayong ilabas ng Panginoong Diyos ang kanyang kanang kamay at tirisin ang mga kampon ni satanas na nagtatago sa likod ng terorismo at lagim.
Ipagdasal nating iyapak ng Panginoong Diyos ang kanyang paa at durugin ang mga kampon ng demonyong humihiram ng tapang sa likod ng armas at bilang, na nananaginip ng panaginip na ibinaon ni satanas sa kani-kanilang mga bungo na walang laman.
Comments are closed.