TERORISMO BURAHIN NA

MASAlamin

MAIGING mapag-aralan ang ugat ng tero­rismo sa Filipinas upang  sa gayon ay malunasan na ito at hindi na mu­ling lumitaw pa sa ating bansa.

Ang terorismo ay pandarahas upang makamit ang minimit­hing karaniwan ay hindi pinaniniwalaan ng mga mamamayan at tali-was sa sangkatauhan.

Naging kasangkapan ang terorismo, ang paghahasik ng lagim, upang makamit ang makasariling interes o upang itulak ang baluktot na paniniwala.

Tunay na ang karahasan ay natural sa tao. Salat sa katwiran ang mga naghahasik ng te­rorismo, salat sa dunong ang mga nan-dadahas, salat sa pang-unawa ang gumagamit ng baril at tabak upang ipilit na mapasunod ang sangkatauhan sa kanilang paniniwala o sistema.

Nasabi ko na ito dati at muli ay sasabihin ko, na ang mga mararahas na tao ay may ang­king utak na sinauna pa, pawang mga hindi uminog at sumabay ang mga pagkatao sa mo­dernisasyon ng sangkatauhan. Pawang mga utak-bata na pinuno ang mga kama-layan ng mga maling paniniwala at kamangmangan sa katwiran.

Ang alam lamang ng mga terorista ay ang humawak ng baril at bumuo ng bomba. Kaawa-awa, sapagkat nasaan ang kaligayahan sa gayun?

Hinahabol ang kanilang mga kaluluwa ng mga pangit na pangitain, mga pangil ng dilim, mga bangungot na hindi nagpapatulog at mga kabagaban sa kaluluwa na hindi nila maunawaan.

Salat nga, sila ang totoong dukha sa ating sibilisasyon, mga mang­mang na pinaniwala sa paraan ng pagbasa sa isang babasahin na ang totoo namang layunin ay kapayapaan at kaligtasan ng kaluluwa, o ng mga ideyolohiyang binaluktot ng kasakiman o kung hindi man ay pagyurak sa karapatan ng kapwa tao.

Nasabi ko na rin ito ngunit muli ay sasabihin ko pa rin na mismong mga kapatid na Muslim ay nasusuka sa ipinaglalaban ng ISIS samantalang hango rin naman umano sa Quran ang kanilang katuruan. Ang mga tupa kapag walang pastol at may maligaw na isa at maisipang tumalon sa bangin, lahat ng kasamang tupa ay tatalon na rin sa kanilang kamatayan. Ganyan ang terorismo, ganyan ang mga sumusunod sa terorismo at panawagan ng jihad ng ISIS.

Nasaan ang kabana­lan sa pagkitil at pagda­nak ng dugo ng inosente? Nasaan ang kabanalan sa pandadahas sa mga kababaihan na iniuutos ng pamunuan ng ISIS? Nasaan ang katwiran sa pagtuturo ng pagpatay sa mga musmos na dapat sana ay nag-aaral sa elementarya? Nasaan ang katotohanan sa pagtuturo na nais lipulin ni Allah ang lahat ng hindi naniniwala sa panawagang jihad ng ISIS? Nasaan ang pag-ibig sa pwersahang pagpapasunod sa mga tao sa paniniwala ng ISIS?

Mangmang ang kaisipan at dukha ang kaluluwa ng lahat ng terorista at ng lahat na radikal. Payak ngunit nakapangyayari dahil sa kakilabutang inihahasik, demonyo ngunit nakakakuha ng suporta dahil sa kaligawan ng mga mithiin ng ilang minoridad sa mga Muslim.

Upang mabura ang terorismo sa Filipinas, simulan ang edukasyon sa mga musmos na ang pundasyon ay ang takot sa Diyos at pagmamahal sa kapwa.