MAGUINDANAO – IBA’T ibang uri ng baril at bala ang nasabat ng tropa ng 5th Special Forces Battalion ng Phil. Army makaraang sumiklab ang bakbakan laban sa teroristang grupo sa kagubatan ng Sitio Uhay, Brgy. Ned, Lake Sebu sa South Cotabato kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Lt. Col. Zandro Alvez ng 5th Special Forces Battalion, nagsasagawa ng combat operation ang militar bandang ala-5 ng umaga nang makasagupa ang grupo ng communist terrorist group sa Far South Mindanao Region na pinamumunuan ni Manuel Fernandez alyas Bobo/Ampog na sinasabing kalihim ng nasabing grupo.
Tumagal ng 20 minutos ang bakbakan bago nagsiatras ang mga terorista kung saan iniwan ang mga gamit na armas, mga bala at iba pa.
Kabilang sa nasamsam ng tropa ng militar ay isang 5.56mm M16-A1, mga magazine ng bala, black propaganda materials, mga gamit sa kusina, war materials at ilang personal na gamit ng grupo.
Mas lalong paiigtingin ng mga sundalo ang pagtugis sa grupo ni alyas Ampog na sinasabing salot ng nasabing lugar. MHAR BASCO