NAPIGILAN ng tropa ng 94th Infantry Battalion ng Philippine Army ang pag-atake ng umano’y mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Balogo, Guihulngan City, Negros Oriental noong linggo.
Ayon kay Capt. Cenon Pancito III, tagapagsalita ng 3rd Infantry Division, nagsasagawa ng security patrol ang tropa sa nasabing barangay nang mamataan nila ang limang armadong indibiduwal na nakasuot ng camouflage uniform.
Tinangka ng mga tropa na komprontahin ang mga nasabing indibiduwal subalit nagpulasan ang mga ito sa iba’t ibang direksiyon.
Sa paggalugad ng tropa sa lugar, narekober nila ang 1-KG9 submachine gun, isang magazine at 24 rounds ng ammunition.
Ayon kay 94 IB Commander, LTC Randy Pagunuran, dahil sa pagsusumbong ng komunidad sa presensya ng NPA sa kanilang lugar, napigilan ng militar ang pag-atake ng mga ito sa Balogo Civilian Active Auxiliary (CAA) Patrol base.
Sa pahayag naman ni Major General Dinoh Dolina, Commander ng Army 3rd Infantry Division, na dahil sa magandang relasyon ng army sa mga lokal na komunidad ay nawawalan na ng espasyo ang NPA para maisagawa ang kanilang terrorist activities. REA SARMIENTO
Comments are closed.