TERRORIST BOMBER KUMASA TODAS, ARMAS NAKUMPISKA

BASILAN-PATAY ang isang terrorist bomber nang lumaban ito nang sabayan sa mga tauhan ng Philippine Army at PNP Basilan.

Ayon kay Lt. Gen. Alfredo Rosario Jr., commander ng Western Mindanao Command na neyutralisa ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulis ang isang lawless element kasunod na maikling engkuwentro kamakalawa ng madaling araw sa Barangay Limbocandis, Sumisip, Basilan.

Sa report na ibinahagi ni Lt Gen Rosario nirespondehan ng 64th Infantry Battalion At Basilan Provincial Police Office ang sumbong hinggil sa isang lalaki na may dalang Anti-Personnel Mine (APM).

Habang nagsasagawa ng search operation ang mga awtoridad ay biglang naglabas ng M16 rifle ang suspek na kinilalang si Ajie Gomez kaya napilitan ang mga pulis at sundalo na depensahan ang kanilang mga sarili.

Matapos ang engkuwentro na ikinamatay ni Gomez ay na-recover ng mga sundalo at pulis ang isang M16A1 rifle na may 2 magazines loaded ng 58 rounds ng ammunition, isang cal. 38 revolver na may anim na bala isang bandoleer, at isang anti-personnel mine na may mga nakakabit na motorcycle chain, isang bote ng hinihinalang 2T motorcycle oil na ginagamit na explosive container, Ammonium Nitrate/ Fuel Oil (ANFO), isang 9 volts battery at tripwire.

Ayon kay Brig. Gen. Domingo Gobway, Commander ng Joint Task Force Basilan, si Gomez ay sympathizer ng Abu Sayyaf Group sub-leader Pasil Bayali, a.k.a. Kera, na responsable sa serye ng bomb threats at extortion sa Basilan. VERLIN RUIZ