TESDA LIBRENG SKILLS TRAINING SA PROBATIONERS, PAROLEES, PARDONEES

SA layuning palakasin ang reformation sa pamamagitan ng kasanayan at pagsasarili, opisyal na nilagdaan ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla ang isang kasunduan kasama ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)  na tulungan ang mga probationers, parolees at pardonees sa kanilang muling pagharap sa lipunan.

Pinangunahan ni Remulla ang pagpirma sa Memorandum of Agreement kasama si TESDA Director General Jose Francisco “Koko” B. Benitez na sinaksihan ni Administrator Bienvenido Q. Benitez, Jr. ng Parole and Probation Administration (PPA).

Ayon sa MOA, ang DOJ ay may tungkulin na salain ang mga kwalipikadong kliyente (mga probationer, parolee, at pardonee) na itinuturing na pangunahing benepisyaryo ng kasunduan upang i-refer sa TESDA.

Bukod dito, ang DOJ ay kailangang makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) para sa posibleng suporta at magbigay ng lugar o pasilidad sa pamamagitan ng mga Regional/Field Office nito para sa pagsasagawa ng pagsasanay.

Ang TESDA, sa kabilang banda ay may tungkuling pangasiwaan ang pag-access sa mga programang pagsasanay sa pamamagitan ng extension at mobile training programs (MTP) ng mga TVET provider at magsagawa ng Training Needs Analysis upang matukoy ang mga programang pagsasanay na ibibigay.

RUBEN FUENTES