MULING nagbabala ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) hinggil sa kumakalat ngayon na mga fake National Certificate na inaalok at ibinebenta online.
Sa inilabas na pahayag ng TESDA, huwag umanong makipag transaksyon sa mga scammer dahil ang National Certificate ay hindi nabibili online o kung saan-saan lamang.
Paliwanag ng ahensiya , ito ay iniisyu sa mga kuwalipikadong indibidwal na pumasa sa kanilang isinasagawang training at mga assessment.
Kaugnay nito, sakaling nais na i-verify ang mga natanggap na National Certificate ay sumadya o tumawag na lamang sa kanilang mga tanggapan na malapit sa kani-kanilang lugar upang masigurong authentic o legit ang kanilang hawak na sertipikasyon.
Sa ngayon, patuloy ang paalala ng TESDA na mag-ingat at huwag magpa biktima sa mga taong mapagsamantala, mga manloloko dahil hindi naman daw nabibili ang skills ng mga Pilipino.
Nabatid na marami ang naengganyo na makakuha ng National Certificate ng TESDA para magamit sa paghahanap ng trabaho lalo na sa abroad.
VERLIN RUIZ