PINALAKAS ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) and Job Linkaging and Networking Services (JoLiNS) nito upang higit na matulungan ang mga technical and vocational education and training (TVET) graduates sa pagkuha ng trabaho, scholarships, at posibleng oportunidad na magkamit ng loan packages sa idaraos na World Café of Opportunities.
Sinabi ni TESDA Director General, Secretary Guiling ‘Gene’ A. Mamondiong na isa sa mga hakbang upang matagumpay itong maisakatuparan ay ang pagpapatupad ng 5-day capability building program para sa 53 opisyal at empleyado ng ahensiya bilang paghahanda sa idaraos na World Café of Opportunities para matulungan ang mga graduate na madaling makahanap ng trabaho.
Ang programa na may titulong “Strengthening the Competencies on Industry Coordination of Career Advocates and JoLiNS Focals” ay ginaganap sa National TVET Trainers Academy (NTTA) sa Marikina City sa pagitan ng Hunyo 25 hanggang sa Hunyo 29, 2018.
Ipinaliwanag ni Mamondiong na ang World Café of Opportunities ay isang job fair na sabay-sabay na gaganapin sa labimpitong rehiyon ng ahensiya sa buong bansa kasabay sa pagdiriwang ng National Technical-Vocational (tech-voc) Day sa darating na Agosto 25, subalit magiging regular na itong isasagawa, dalawang beses sa isang taon o isang beses bawat semester, sa kani-kanilang rehiyon o probinsiya sa susunod na mga taon.
Ayon kay Mamondiong, layunin ng programa na palawakin ang kakayahan ng mga kalahok na 53 opisyal at empleyado gayundin ang mga TESDA Technology Institutes (TTIs)/ Technical Vocational Institutions (TVIs) sa industry coordination para matagumpay na maidaos ang World Café of Opportunities sa kani-kanilang kinasasakupang lugar.
Sa nasabing bilang, 17 regional office focals ang sasanayin sa Career Advocacy Program; 17 Focal Provincial Directors sa Job Linkaging and Networking Services(JoLiNS) at World Café of Opportunities; 17 JoLiNS Persons mula sa mga TESDA Technology Institutions (TTIs) at 2 Career Advocates mula sa Partnerships and Linkages Office(PLO).
Ang World Café of Opportunities ay isang job opportunities at iba pang employment support interventions na iaalok at ilalagay sa iba’t ibang stations sa loob ng event area kung saan, iikot ang mga naghahanap ng trabaho at pumili nang gusto nilang oportunidad.
Lahat ng regional at provincial offices (RO/PO) ay kailangang magsagawa ng regular semestral sectoral World Café of Opportunities sa pamamagitan ng JoLiNS.
Ayon kay Mamondiong, bawat tanggapan ng TESDA ay kailangang magtalaga ng Industry Coordinator (IC) para pamunuan ang aktibidad at sila ang magsisilbing tulay sa mga TVET graduates jobseekers tungkol sa mga bukas na employment intervention packages ng mga katuwang na mga ahensiya. BENJARDIE REYES
Comments are closed.