TESDA TRAINING COURSES, SUSI SA TAGUMPAY NG ISANG OFW

SI Albert Ungab, 29, taga-Zamboanga City ay isang overseas Filipino Worker (OFW) na nagtatrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia at isang part-time home-based online English teacher. Magiging  restaurant manager na rin siya.

Albert Ungab
Albert Ungab

Sa edad na 11, naulila na si Albert sa ama. Apat silang magkakapatid at labandera ang kanyang ina, kaya pagkatapos ng 1st year high school ay pinatigil na siya sa  pag-aral noong 2002.  Nagtrabaho siya bilang konduktor ng dyip, tindero ng isda at marami pang iba para makatulong sa gastusin ng pamilya.

Taong 2011, ipinagpatuloy niya ang pag-aaral ng high school  at nakapagtapos noong 2013 sa edad na 24, kung saan may asawa na rin siya.  Naisip nito na kumuha ng bagong skills para madagdagan ang kanyang kita.

Siya’y nag-aral  ng  English Language and Culture training sa TESDA ARMM Language Skills Institute-Zamboanga City- ZCLO, isa sa mga TVET provider ng TESDA.  Pagka-graduate ay naging   online English teacher at  nadoble ang kanyang kinikita.

Kasunod nito, kumuha si Albert ng Food and Beverages training at pumasa sa NC ll assessment. At noong Disyembre 2014, nag-aral siya ng Arabic Languange and Saudi/Gulf Culture sa LSI dahil gusto nitong makapagbiyahe at magtrabaho sa abroad.

Pagka-graduate  noong Enero 2015, agad siyang nag-apply ng trabaho para  sa Saudi at sa husay niyang mag-English, napa-hanga sa kanya ang Saudi employer.

“Tandang-tanda ko pa, noong unang interview ko sa employer ko sa Buffalo Wings and Rings Restaurant KSA ,Riyadh. Ang tanong lang sa akin, “tell me about yourself”, pagkatapos sabi ng employer, I am impressed with your English, thank you.  Wala nang follow-up question. Akala ko ‘di ako natanggap kasi wala din akong experience as waiter sa Filipinas. Pero natanggap po ako,” ani Albert.

“TESDA  maraming-maraming salamat po sa inyo. Kung walang TESDA wala rin po ako ngayon dito sa abroad kasi sa totoo lang ang hirap mag-apply kung wala po tayong two-year  experience  sa ‘Pinas. Pero dahil po sa TESDA English course  training, gumaling ako sa aking English communication skills. Kaya maraming- maraming salamat TESDA, sa  short course training ninyo. Tunay nga sa TESDA may future ka,” pahayag ni Albert.

Comments are closed.