APRUBADO na ng Food and Drugs Administration (FDA) ang test kits para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), na nilikha ng mga local scientist mula sa University of the Philippines (UP).
Ayon sa FDA, nagpalabas na sila ng certificate of exemption para sa SARS COV-2 PCR detention kit na nilikha ng UP National Institute of Health (UPNIH), at pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST).
Sinabi ni FDA Director General Rolando Enrique Domingo, na undersecretary rin ng Department of Health (DOH), gagamitin ang nasabing test kit para sa field testing kasama ng gene sequencing sa Philippine Genome Center.
“This supports the Code Red status raised by the Department of Health (DOH) and the recent declaration of President Rodrigo Duterte of a state of Public Health Emergency,” bahagi ng kalatas ng FDA.
Kumpiyansa ang FDA na makatutulong ang mga naturang test kits sa monitoring nang dumaraming bilang ng mga pasyente na hinihinalang dinapuan ng COVID-19.
Tiniyak pa ng FDA na bukod sa mura ay ligtas at epektibo ang mga produkto at gamit na dumaraan sa kanilang tanggapan.
Matatandaang una nang itinaas ng DOH ang alerto nila sa laban sa sakit sa Code Red Sublevel 1 matapos na makumpirma na mayroon nang localized transmission ng sakit sa Filipinas.
Kaagad din nagdeklara ng public health emergency sa bansa ang Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa banta ng COVID-19.
Hanggang nitong umaga ng Martes ay mismong si Pangulong Duterte na ang nag-kumpirma na 24 na ang naitalang confirmed cases ng COVID-19 ng DOH. ANA ROSARIO HERNANDEZ
BILANG NG MAY COVID TUMAAS PA
Umakyat na sa 33 ang naitatala ng Department of Health (DOH) na kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ang pahayag ay ginawa ng DOH sa kanilang Facebook account na Department of Health (Philippines) ngunit hindi pa nagbigay ng karagdagang detalye hinggil dito.
Sinabi naman na ni Health Secretary Francisco Duque III na biniberipika pa nila ang natanggap na ulat na isa pang matandang lalaki ang namatay dahil sa COVID-19.
Matatandaang ang unang COVID-19 death na naitala sa bansa ay ang 44-anyos na Chinese national na lalaki na mula sa Wuhan City.
Ang naturang dayuhan ay nagbakasyon lamang sa Filipinas noong Enero, kasama ang kanyang nobya, na nagpositibo rin sa sakit ngunit nakarekober at nakabalik na sa China. ANA ROSARIO HERNANDEZ
P1.6 BILLION SUPPLEMENTAL BUDGET PARA SA COVID-19
Pasado na sa House Committee on Appropriations ang substitute bill para sa supplemental budget sa COVID-19.
Sa substitute bill ay ipinasa ng komite ang P1.6 Billion bilang supplemental budget sa COVID-19 sa halip na ang orihinal na proposal ng Kamara na P2.6 Billion supplemental budget.
Nauna rito ay nagmosyon si Quirino Rep. Junie Cua na ang ipasa na lamang muna ay ang P1.6 Billion dahil ito lamang din ang available funds ng National Treasury.
Nakahanda naman ang National Treasury na sertipikahan agad ang kanilang available funds para magamit laban sa COVID-19.
Bukod sa available funds ng National Treasury ay may iba pang puwedeng paghugutan na pondo para sa COVID-19 tulad ng P13 Billion Contingency Fund at P100 Million na Quick Response Fund ng DOH.
Samantala, sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na pag-aaralan nila ang rekomendasyon na “lockdown” para ma-contain ang COVID-19. Posible aniyang localized ang lockdown at hindi buong Metro Manila depende sa sitwasyon. CONDE BATAC
Comments are closed.