BILANG pagtugon sa pangangailangan ng mga estudyante, magsasagawa ang pamahalaang lungsod ng Parañaque sa koordinasyon ng City School Board ng test pilot ng modem sa Fourth Estate Elementary School (FEES) upang makarating ang libreng koneksiyon ng internet sa lahat ng tahanan na nakapalibot sa bisinidad ng nabanggit na eskuwelahan.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, ang naturang test pilot ay kasabay ng pagbabasbas at pag turn-over ng dalawang bagong apat na palapag ng paaralan ng Sto. Nino High School (SNHS) at Parañaque Science High School (PSHS) kung saan ang bawat gusali nito ay mayroong 16 na silid-aralan.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-23 anibersaryo ng Cityhood ng lungsod ngayong Sabado, Pebrero 13.
Anito, malaki ang naging epekto ng pandemya sa mga estudyante dahil kinakailangan pa nilang lumipat sa blended learning na gamit ang kanilang laptops, tablets at iba pang gadgets na may kaukulang koneksiyon ng internet.
Kaya’t kapag gumana na ang modem booster para sa internet ay wala ng magiging problema pa ang mga estudyante na naka-enrol sa FEES dahil ang koneksiyon ng libreng wifi para sa kanilang blended learning ay aabot na sa kani-kanilang mga tahanan.
Nauna rito, nakapagkabit na ng koneksiyon ng internet sa mahigit na 42 campuses sa buong lungsod para sa blended learning ng mga estudyante bago pa man magbukas ang klase.
Aminado ang pamahalaang lungsod na kinakailangan talaga ng bawat estudyante ng ayuda habang hindi pa ibinabalik ng gobyerno ang kautusan sa pagpasok ng mga ito sa iba’t-ibang eskuwelahan para sa kanilang ‘face-to-face classes’.
Dagdag pa rito, nararapat din na matugunan ng lokal na pamahalaan ang pangangailangan ng estudyante dahil layunin ng lungsod na bumuo ng mga mamumuno sa bagong henerasyon na magpapatuloy sa magandang gawain patungo sa kaunlaran. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.