GINAWARAN ng parangal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng isang testimonial parade si outgoing Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana kahapon sa Camp Gen. Emilio Aguinaldo, Quezon City.
Pinangunahan ni AFP Chief of Staff General Andres Centino ang pagbibigay-pugay kay Lorenzana dahil sa kanyang buong pagsuporta sa mga programa at proyekto ng AFP sa nakalipas na anim na taong panunungkulan partikular sa AFP modernization.
Kinilala ang pagsusulong niyo sa AFP modernization program at pagsasanay ng mga tropa sa paggamit ng mga modernong kagamitan.
Tinukoy din ni Centino, ang mahusay na pamumuno ni Lorenzana sa panahon ng Marawi Crisis, COVID-19 pandemic at pagpapatupad ng mga programa tulad ng Barangay Development Program at Tatak ng Imprastraktura para sa Kapayapaan at Seguridad.
Pinasalamatan si Lorenzana sa pagsusulong na maitaas ang sahod ng mga sundalo at pagpapaganda ng kanilang mga pasilidad at housing program na nagresulta sa mas malakas, mas produktibo, at mas-responsive na AFP.
Nagpasalamat naman si Lorenzana sa lahat ng kanyang nakasama at nakatrabaho mula sa panahon nang siya ay kadete sa Philippine Military Academy (PMA) hanggang sa kasalukuyan na sinabing naging exciting, challenging, at personally rewarding journey ang kanyang panahon sa militar at DND.
VERLIN RUIZ