HIGIT pang tumaas ang testing backlog ng mga coronavirus disease 19 (COVID) laboratories sa bansa.
Sa isang virtual forum, sinabi ni Vergeire na sa ngayon ay nasa 12,208 na ang testing backlog ng mga laboratoryo na nagpoproseso ng COVID-19 tests.
Ipinaliwanag ni Vergeire na ilan sa mga dahilan ng paglaki ng testing backlog ay dahil sa ang ibang laboratoryo ay kabubukas lamang at na-overwhelm sa rami ng mga swab sample na dumating sa kanila.
Upang masolusyunan naman ito, sinabi ni Vergeire na nilimitahan na muna ng mga nasabing laboratoryo ang pagtanggap ng sample para matapos ang mga backlog.
Ang iba naman aniya ay dahil sa pagkakaroon ng problema sa supply.
“Ang backlogs natin ngayon medyo lumaki, 12,208 testing backlogs. May malaking contributors dito katulad ng mga laboratoryo na kakabukas lang and they got overwhelmed noong dumating ang mga sample sa kanila,” ayon pa kay Vergeire.
“’Yung iba naman, it is still because of supplies na kailangan natin at ‘yung iba marami kasing samples na dumadating ngayon dahil nag-expand na tayo ng protocol,” aniya pa.
Kaugnay nito, tiniyak ni Vergeire na inaayos na ng DOH ang problema.
Aniya, ilan sa hakbang na kanilang ginawa ay ang zoning kung saan kapag nagkaproblema ang isang laboratoryo ay sasaklolohan ito ng kalapit na laboratoryo.
Sa ngayon ay umabot na sa 80 ang mga COVID-19 testing laboratory na nabigyan ng lisensya ng DOH.
Sa nasabing bilang na ito 59 ang para sa RT PCR habang 21 naman ang gene Xpert. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.