NANINIWALA si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na walang intensyon na umuwi ng bansa si Cong. Arnolfo Teves para harapin ang kaso kaugnay sa pagpatay kay Governor Degamo.
Ayon sa senador, kung talagang nais niyang sumuko dapat ay matagal na itong umuwi ng Pilipinas
Ang pahayag ni Dela Rosa, chairman ng Senate public order and dangerous drugs committee, ay matapos malaman na bigong makakuha ng political asylum si Teves sa Timor Leste.
Dahil dito, naniniwala ang senador na hindi maipaliwanag ng mambabatas kung bakit siya kailangan na mabigyan ng asylum kaya hindi ito napagbigyan.
Sa gitna nito, nakikita rin ni Dela Rosa na gaya ng ibang mga tao noon na may kaparehong sitwasyon kay Teves, ay maghihintay na lang umano ito na matapos ang kasalukuyang administrasyon at saka lulutang.
Sinasabing dapat ay nakaalis na sa loob ng limang araw ng Timor Leste ang suspendidong Negros Oriental Representative.
Inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang desisyon ng Timor Leste.
Una nang ipinaalam ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa DFA na nasa Dili, Timor Leste si Teves at naghain ng aplikasyon para sa “protection visa with the intent of asylum.”
“Today, the Ministry of Interior of Timor-Leste confirmed that Representative Teves’ application for political asylum has been denied. In accordance with the decision of the Timor-Leste Government, Representative Teves has been granted a period of five days to depart Timor-Leste,” ayon sa DFA.
Sinabi rin ng kagawaran na maaring iapela pa ni Teves ang desisyon. LIZA SORIANO