HINDI naisama ng delegasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagtungo sa Timor-Leste pabalik ng bansa ang inarestong si dating Congressman Negros Oriental Arnolfo ”Arnie” Teves Jr.
Sa pahayag ni NBI Director Medardo de Lemos, biniberipika pa ng korte sa Timor-Leste ang hiling ng Pilipinas at Interpol para sa kustodiya ni Teves.
“Mayroong proseso sila doon sa Timor Leste. Ine-evaluate nila yung request ng Interpol at yung request namin, request ng Pilipinas,” ani De Lemos.
“Proseso po ng Timor Leste yun. Ang sinasabi po natin doon, ginagalang natin ang lahat ng proseso ng bansa kung saan tayo ay isang requesting party lamang,” dagdag pa nito.
Si Teves ay sinampahan ng reklamo sa korte dahil sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pa noong Marso, 2023. Siya ay naaresto ng mga awtoridad sa Timor-Leste habang naglalaro ng golf nitong Huwebes sa Dili.
Nauna nang inilagay si Teves sa red notice ng International Criminal Police Organization (Interpol) noong Pebrero.
Ang red notice ay isang hiling sa mga awtoridad sa buong bansa na tuntunin at arestuhin ang isang taong sangkot sa krimen.
Nasa kustodiya ng Timor Leste police ang mambabatas at naghihintay pa ng deportation nito.
Aabutin ng nasa 40 araw ang deportation proceedings sa Timor Leste nguni’t umaasa ang NBI at DOJ na mapabilis ang proseso nito.
Sa oras na makabalik sa Pilipinas, kahaharapin ni Teves ang kasong murder, frustrated murder, at attempted murder charges sa pagpatay kay Degamo at siyam iba pa.
Bukod sa pagpatay kay Degamo, haharap din ng kasong pagpatay si Teves at iba pang kasamahan nito sa pagkamatay ng tatlong indibidwal sa Negros Oriental noong 2019.
Itinanggi naman ni Teves ang mga paratang.
EVELYN GARCIA