(Teves lalong nabaon) MASTERMIND SA DEGAMO SLAY TINAWAG NI ABALOS NA ‘DEMONYO’

KILALA na at tinawag pang ‘demonyo’ Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos ang mastermind sa Governor Roel Degamo assassination.

Sa ginanap na press conference ng Task Force Degamo sa Kampo Crame kahapon, sinabi ni Abalos na dahil sa karumal-dumal na pagpatay kay Degamo at 8 iba pa gayundin ang pagkakakumpiska ng mga matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog sa mga tahanan ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. ay malinaw na may mga ilegal na aktibidad na ginagawa ang nagtatagong kongresista.

Kasunod ito ng tuloy-tuloy na pagtunton at pagkakadiskubre Philippine National Police -Criminal Investigation and Detection Group ( PNP- CIDG) ng mga matataas na kalibre ng baril, mga bala, pampasabog at improvised explosive devices na itinatago ng mga Teves.

Nitong nakalipas na Linggo, nakadiskubre pa ang PNP-CIDG ng iba’t ibang uri ng armas, bala at hinihinalang pampasabog sa compound na pag-aari ni dating Negros Oriental Governor Pryde Teves.

Sinasabing itinuturo ng isang testigo si Teves na siya umanong nag-utos na ibaon sa lupa ang mga armas sa sugar mill na pag-aari ng dating governor na nakababatang kapatid ng kongresista sa loob ng 50 ektaryang compound sa Barangay Caranoche sa bayan ng Santa Catalina.

Una nang nadiskubre ng mga awtoridad ang ilang high-powered firearms, ammunition, at P18,000,000 salapi, ayon kay PNP-CIDG chief legal officer Col. Thomas Valmonte.

At dahil sa pagkakadiskubre ng pag-iimbak ng mga armas at pampasabog ay hindi na rin inaalis ng mga awtoridad ang angulong terorismo.

“Yung pampasabog, actually, when you possess it, you are intending to use it, definitely, kasi ina-assemble ‘yan eh saka hindi naman biro ang bumili ng mga explosive powder so we are looking into angle of acts of terrorism here,” ani Valmonte.

Kaugnay nito, inihayag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na isasailalim sa cross matching at ballistic examination ang mga nasamsam na baril at mga bala para matukoy kung ginamit na ang mga ito sa krimen.

Samantala, lalo pang na baon ang mga Teves kasunod ng pahayag ng DOJ na sa tinutumbok ng imbestigasyon ay nagtuturo na sangkot sila sa Degamo slay case.

“I think they’re considered—they’re being considered as masterminds but I don’t know yet. I have to get into the panel of prosecutors. But right now, the way it’s progressing, that’s the direction we’re heading,” ani Justice Sec. Crispin Remulla.

Nabatid na una ng sinabi ni Remulla na nasa dalawa hanggang tatlong tao ang tinitingnan nilang utak sa likod ng Degamo assassination.

Nabatid na dinampot din ng mga awtoridad ang tatlong security personnel na may kaugnayan kay ex-Gov. Teves matapos na salakayin ang kanilang sugar mill.
VERLIN RUIZ