MATAPOS ang mahigit isang taong pagtatago sa batas ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., ang itinuturong utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ay inaresto ng mga awtoridad sa Timor-Leste kamakalawa ng gabi.
Ang naturang ulat ay kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) ng Huwebes.
Ayon sa DOJ, naaresto si Teves habang naglalaro ng golf sa Dili dakong alas-4 ng hapon at nasa kustodiya na ng pulisya ng Timorese.
Ang pag-aresto ay naganap ilang linggo pagkatapos ng unang anibersaryo ng kamatayan ng yumaong gobernador at ng iba pang mga biktima na napatay noong Marso 4, 2023 nang pasukin ng mga armadong lalaki ang kanyang tahanan sa Barangay San Isidro sa Pamplona at pinagbabaril ito sa gitna ng pamamahagi ng tulong kung saan siyam katao ang namatay.
Inilagay si Teves sa red notice ng International Criminal Police Organization (Interpol) noong Pebrero.
Ang red notice ay isang kahilingan para sa pagpapatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang kanyang extradition, pagsuko, o katulad na legal na aksyon.
“Today’s apprehension of Teves is a testament to the power of international cooperation,” ani Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
“It sends a clear message that no terrorist can evade justice and that nations stand united in safeguarding the safety and security of their citizens,” dagdag pa nito.
“Ang paghuli kay Teves ay nagpapatunay lamang na sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap at determinasyon, ang terorismo ay maaaring hadlangan at mapangalagaan ang kapayapaan,” ani Remulla.
Hinimok din nito si Teves na harapin ang kanyang paglilitis nang hindi nagtatakda ng anumang kondisyon.
Si Teves ay nahaharap sa mga kasong murder, frustrated murder, at attempted murder para sa pagpatay kay Degamo at ilang iba pa sa tahanan ng noo’y gobernador noong Marso 4, 2023.
Bukod sa pagpatay kay Degamo, sinampahan din si Teves at iba pa sa pagkamatay ng tatlong indibidwal sa Negros Oriental noong 2019.
Si Teves ay itinalaga bilang terorista kasama ang 11 iba pa ng Anti-Terrorism Council noong Agosto 2023 dahil sa mga pagpatay at panggigipit sa Negros Oriental.
Mahigpit namang itinanggi ni Teves ang lahat ng akusasyon laban sa kanya. EVELYN GARCIA