HINDI na makapaghintay ang TnT Katropa sa pagbabalik ng PBA.
Ang koponan ay nagpalakas sa layuning magwagi ng isa pang kampeonato.
Sa wakas ay nakakuha ito ng isang major big man sa katauhan ni Poy Erram, pumirma si sophomore guard Bobby Ray Parks ng bagong kontrata, nasa koponan na si Simon Enciso kasunod ng trade sa Alaska, at sinelyuhan ni rookie guard Kib Montalbo ang 18-month deal sa koponan.
Kumpiyansa ang Katropa sa kanilang kampanya para sa Philippine Cup at umaasang matutuldukan na sa wakas ang five-year title drought.
Subalit biglang dumating ang COVID-19 pandemic.
Sa isang iglap ay naisantabi ang lahat ng paghahanda ng TnT sa off-season.
“Maganda na sana ‘yung ensayo namin papasok ng All-Filipino. Nakapagkapaan na kami, kasi nung pumasok si RayRay (Parks) saglit lang kami nagkasama (sa team),” wika ni guard Roger Pogoy patungkol kay Parks, na naglaro lamang sa koponan ng isang conference sa season-ending Governors Cup.
“Excited na kaming makalaro kasi ang tagal na naming nag-eensayo. Sayang nga lang dumating itong COVID.”
Ang pagdating nina Erram, Enciso, Montalbo, sophomore guard JayJay Alejandro, back-up big man Lervyn Flores, rookie Val Chauca, at free agent Gryann Mendoza ay karagdagan kina regulars Jayson Castro, Troy Rosario, Pogoy, Ryan Reyes at Kelly Williams.
Ang reloading ay tiyak na nagbigay sa Katropa ng malaking pag-asa sa mga darating nilang kampanya.
“Nadagdagan kami ng height (sa mga trades). Nandiyan na kasi si Poy, may panapat na kami sa big guys ng ibang teams,” pag-aamin ni Rosario.
“Tapos medyo (mga) bata pa kami, so ‘yung tangke namin (puno pa).”
Comments are closed.