TEXTERS ITATAYA ANG IMAKULADANG MARKA

TNT

Mga laro ngayon:

(Ynares Center-Antipolo)

4:30 p.m.- Meralco vs Blackwater

7 p.m. – TNT vs Alaska

PUNTIRYA ng wala pang talong Talk ‘N Text ang ika-7 sunod na panalo sa pakikipagtipan sa Alaska sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Ynares Center sa Antipolo.

Nakatakda ang salpukan ng Texters at Aces sa alas-7 ng gabi matapos ang bakbakan ng Meralco at Blackwater sa alas-4:30 ng hapon.

Liyamado ang Texters kontra Aces dahil lamang ito sa tao, sa pa­ngunguna ng kanilang impoer na si NBA veteran KJ McDaniels na naglaro sa Houston Rockets at Philadelphia 76ers.

Si McDaniels ay may average na double-double kada laro at humataw ng 41 points sa una niyang pagsabak laban sa Blackwater.

Muling pangungunahan ni McDaniels ang opensiba ng TNT sa ­unang pagharap sa bagong import ng  Alaska na si Franco House, na binitbit ang Aces sa unang panalo sa anim na laro laban sa Rain or Shine, 78-71, nitong Okt. 13 sa Araneta Coliseum.

Nakahandang umalalay kay McDaniels sina Jayson Castro, Roger Pogoy, Troy Rosario, Don Trollano at Ryan Reyes at babantayan nina Anthony Semerad at Frank Golla ang low post para hindi maka-penetrate ang Aces.

Tutulungan naman si House nina Chris Banchero, Jayvee Casio, Jeron Teng, Carl Bryan Cruz, Simon Enciso at Jasper Ayaay, habang pangangsiwaan nina Sonny Thoss at Jake Pascual ang shaded area.

Mataas ang morale ng Aces matapos ang una nilang panalo sa anim na laro kontra RoS at hindi dapat magkumpiyansa ang Tropang Texters para hindi madungisan ang kanilang malinis na record at patatagin ang hawak sa liderato.

Galing ang Elite sa upset win laban sa defending champion Magnolia at inaasahang magiging sandigan ito ng Blackwater para makadalawang sunod na panalo.

Kailangang maglaro nang husto ang tropa ni coach Norman Black, sa pangunguan ni Justin Durham, kasama sina locals Chris Newsome, Baser Amer, Cliff Hodge Travis Jackson, Antonio Jose Caram, John Pinto at Nico Salva para masiguro ng Meralco ang panalo.

Muli namang sasandal si coach Aries Dimaunahan sa kanyang mga kamador na sina Michael Vincent Digregorio, Abu Tratter, Allein Maliksi, Roi Sumang, Mac Belo at Gelo Alolino. CLYDE MARIANO