TF MANILA SHIELD INACTIVATE PARA SA PBBM OATH TAKING

NAGPASYA ang pamunuan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na i-activate ang Task Force Manila Shield para sa nakatakdang pormal na panunumpa sa tungkulin ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30 sa National Museum sa Maynila.

Layunin nito na maselyuhan ang mga lagusan papasok ng Metro Manila laban sa mga grupong posibleng magsagawa ng mga kaguluhan sa araw ng opisyal na inagurasyon ni PBBM.

Kaugnay nito, ang intelligence report na may mga militanteng grupo mula Tarlac ang nagbabalak na magsagawa ng mga pagkilos sa mismong araw ng panunumpa ni BBM.

Tinatayang aabot sa mahigit 15,000 security personnel ang magbabantay sa inagurasyon ni BBM kabilang ang puwersang nakapaloob sa task Force Manila Shield na paganahin bago ang araw ng panunumpa.

Ayon kay PNP Director for Operations Major General Valeriano de Leon, pagaganahin nila ang Task Force Manila Shield upang masiguro ang maximum security kaugnay sa gaganaping makasaysayang okasyon sa bansa.

Bahagi ng nakalatag na security blanket ang pagpapatupad ng mahigpit na checkpoint at mga chokepoint lalo na sa mga lugar papasok ng Maynila at pagpapairal ng total gun ban simula sa Hunyo 27.

I-aactivate ang Task Force Manila Shield dalawang araw bago ang inagurasyon.

Kinumpirma ni De Leon na aabot sa mahigit 15,000 na mga pulis, sundalo, coastguard personnel at force multipliers ang ide-deploy sa sa National Museum at paligid nito para matiyak lang na magiging maayos at payapa ang makasaysayang okasyon.

Kaugnay nito, sinusubukan ng PNP na makipag-ugnayan sa mga iba’t ibang grupo na nagpaplanong magsagawa ng kilos-protesta para maging organisado at payapa ang kanilang gagawing rally.

Nilinaw muli ni Del Leon na pinapayagan lang ang mga raliyista sa mga identified Freedom Park pero kung sila ay lalampas sa mga lugar na ipinagbabawal ang rally nakahanda ang mga pulis na paiiralin ang maximum tolerance sakaling may mga magpumilit na mga raliyista.

Magpapakalat na rin ang PCG ng floating assets sa paligid ng National Museum maging sa Malacañang, mayroon din silang ide-deploy na barko sa Manila Bay at nakahanda ang kanilang reserved force saka-sakaling kailanganin ng PNP bilang augmentation sa kanilang civil disturbance unit.

Paiiralin din ang ‘no sail zone’ sa Pasig River at sa Malacañang restricted area habang sa Manila Bay ay maaari namang maglayag ang mga sasakyang pandagat. VERLIN RUIZ