THAI BIZMEN LILIGAWAN NI DUTERTE

DUTERTE-36

NAKATAKDANG makipagpulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa Thai business leaders sa sidelines ng 34th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Bangkok upang imbitahan sila na magnegosyo sa Filipinas, ayon kay Trade Secretary Ramon M. Lopez.

Si Duterte ay umalis kahapon patungong Bangkok upang dumalo sa ASEAN Summit na pinamumunuan ngayong taon ni Thai Prime Minister Prayuth Chan-ocha sa Hunyo 22-23.

Ayon kay Lopez, walang deals na lalagdaan sa summit.

“Well, the President is scheduled to meet a group of Thai businessmen, members and basically leaders of the federation of Thai industries, business chambers in Thailand as well as private companies who are in banks, food manufacturing, agriculture or agri-business, real estate,” anang DTI chief.

Aniya, ang pagpupulong ay magiging isang malayang talakayan kung saan inaasahang ibibida ng Pangulo ang Filipinas bilang isang napakagandang investment destination.

Sinabi pa ng kalihim na ilan sa naturang mga kompanya ay nag-o-­operate na sa bansa.

“So, we are basically asking them to be more active and increase their exposures and their investments,” aniya.

Dagdag pa ni Lopez, titiyakin ng Pangulo sa Thai businessmen ang proteksiyon sa kanilang investments.

Upang makumbinse ang mga business leader, sinabi ni Lopez na ipiprisinta ng Pangulo ang economic achievements ng kanyang administrasyon, kabilang ang  S&P Global Ratings’ sovereign credit rating upgrade sa BBB+ mula sa BBB at ang mga reporma na isinasagawa tulad ng liberalization ng foreign investment policies.

Ibibida rin, aniya, ng Pangulo ang masiglang paglago ng ekonomiya ng bansa.

Comments are closed.