Innovative. Dynamic. Addicting.
(Ni CHE SARIGUMBA / Mga kuha ni RUDY ESPERAS)
SIKAT na sikat ngayon ang milk tea dito sa Filipinas. Nang mauso ang nasabing inumin, talaga namang pinilahan ito ng mga tumatangkilik. Kuhang-kuha nga naman ng milk tea ang panlasang Pinoy kahit pa sa ibang bansa ito nagmula.
Isa sa mga umuusbong na milk tea brand sa mundo ngayon ay ang The Alley. Nakilala ito sa pag-pioneer ng brown sugar deerioca series, isa sa mga nauusong trend sa milk tea industry. Available ito sa maraming bansa tulad ng America, France, Germany, Australia, Singapore, Malaysia, Thailand, Vietnam, Canada, Cambodia, China, Hongkong, Korea, Japan, New Zealand. Ito ang naging dahilan kaya’t dinala ng magkapatid na Cua ang The Alley sa Filipinas.
Dahil hindi na bago ang milk tea business sa Filipinas, naging challenge ito sa magkapatid na Cua. Ayon kay Harold, naisip nilang dapat ay unique at distinct ang concept at recipe ng milk tea brand na kanilang ihahandog sa customer.
“Kaya namin napiling i-franchise ang The Alley from Taiwan ay dahil ibang-ibang ang concept at ang lasa nito kumpara sa ibang milk tea brands. Sa pag-design at pag-prepare ng drinks at cups, maganda siyang kuhanan ng litrato at i-post sa social media. Sa lasa naman, wala siyang kapareho sa ibang brands,” paliwanag pa ni Harold Cua.
At kahit din umano marami ng milk tea shop ngayon sa Filipinas at mukhang darami pa ito, dapat umanong tandaan na hindi lahat ng kakompetensiya ay kalaban. Dahil minsan ay nagiging kakampi rin sila. Kakampi sa pagpapalago ng industriya.
“Bilang negosyante, mahalaga ring maging innovative at open minded,” kuwento pa ng magkapatid na negosyante.
Sa ngayon ay naka-focus ang The Alley sa aesthetics at design ng inumin, gayundin ang bagong flavors na ipakikilala nila sa market.
Bukod sa masarap at na-i-enjoy ng millennial ang kani-kanilang kinahihiligang inumin, isa rin sa isinasaalang-alang ng nasabing henerasyon ay ang maibahagi ito sa mga kaibigan o ka-social media. Kaya’t sinisiguro ng The Alley na artistic ang pagpi-present ng cups at paglalagay ng logo. Maging ang layering ng ingredients ay kailangang attractive. High quality rin ang ginagamit nilang ingredients at unique ang recipe na inihahanda sa customer. Karamihan din sa kanilang ingredients ay nagmula pa sa Taiwan.
Bukod din sa best seller ngayon na brown sugar deerioca series, may iba’t iba ring ipinatitikim sa customer ang The Alley gaya ng premium milk tea series, original brewed tea series, snow velvet series at aurora series.
Bawat series o klase rin ng kanilang milk tea ay dumaan sa mahabang pagsusuri at product testing. Ang kaibahan din sa kanilang produkto ay ang paggamit nila ng fresh milk na direktang kinukuha sa farm. Pagdating naman sa training ng mga cook at barista, binibigyan nila ito ng malaking halaga nang masigurong masusunod ng tama ang proseso sa paggawa ng naturang inumin.
“Despite na high quality ang ingredients na ginagamit at matinding training sa mga staff, pilit naming ibinaba ang presyo at naaayon sa mga ibang milk tea brands para ma-afford ng mas maraming tao lalo na ng mga estudyante,” kuwento naman ni Hubert Cua.
Ayon sa magkapatid na Cua, sa negosyo ay hindi sapat na mayroon kang magandang produkto kundi importante ring maging aware ang mga customer tungkol dito.
At isa ang social media sa pinakamagandang paraan upang maabot ang mga potential na customer.
“Maganda ang social media dahil puwede kang gumawa ng fanbase kung saan laging naa-update ang fans o followers sa latest ng aming produkto. Mabilis din ang komunikasyon at pag-reply sa mga inquiries. Upang mapansin ng customers ang aming social media, importante ang magandang litrato at artwork ng produkto upang madali itong i-share ng followers sa kanilang mga ka-social media,” kuwento pa ni Hubert.
PAYO SA MGA GUSTONG MAGTAYO NG NEGOSYO
Sa mga gustong magtayo ng negosyo, nagbigay ng payo si Harold. Una, ay hindi dapat matakot na magkamali. Sinabi rin nitong sa simula ay talagang mahirap ang pagnenegosyo dahil nasa learning stage pa lang. Lahat ng mga mali o kabiguan ay siguradong mararanasan.
“Ang advice ko, ‘wag tayong matakot magkamali at i-welcome natin ang mga ito. Kung maaari, ilista natin SA bawat araw ang mga problemang naranasan at mga solusyong naisip o nagawa para sa susunod, alam na natin kung paano ito maiiwasan o haharapin.”
Pangalawa, ang paglalaan ng maraming oras sa negosyo. Walang shortcut o natural born talent sa pagnenegosyo, ayon pa kay Harold. Ang pagiging magaling sa negosyo ay nadi-develop nang paunti-unti.
Pangatlo, laging open sa changes. Maging handa at flexible sa demands ng market dahil hindi laging pareho ang needs at wants ng customers. Mabilis itong magbago.
Panghuli ay ang tiwala sa sarili. Marami ang may magagandang ideas pero hindi natutuloy dahil natatakot mabigo. Sayang ang opportunity.
Mas mabuti rin ayon sa magkapatid na Cua na ang negosyong papasukin ay naaayon sa gusto o hilig dahil higit ang kaalaman mo rito. Gayunpaman, wala itong kasiguraduhan na magiging successful ka. Minsan puwede itong maging trap. Mahalaga rin ang paggawa ng market study ng hilig o hobby.
“Kung minsan, ang market ng hilig o hobby mo ay saturated na o masyadong competitive ang market dahil baka sobrang popular ito at marami na ang nauna na gawin itong business. Minsan naman baka maliit lang ang market demand ng iyong hobby kaya hindi feasible na gawin itong negosyo. Para sa akin, ‘wag tayong malimitahan sa ating hilig o hobby, buksan natin ang ating pananaw sa oportunidad sa lahat ng bagay, hilig man o hindi,” pagtatapos pa ni Harold.
Ang ikaapat na branch ng The Alley ay matatagpuan sa O Square 2 Greenhills.
At dahil sa magagandang feedback at request ng customers ay plano nilang makapagbukas pa ng mas maraming branches sa iba’t ibang lugar sa Filipinas.
Comments are closed.