SABI ni Arnel Villafranca, seasoned driver, “Ang buhay ng driver ay mahirap, dahil hindi lahat ng tao ay marunong mag-drive.
Kung driver ka, asahan ang pawis, lalo pa’t jeepney ang minamaneho. Naku, tutulo ang pawis n’yo. Pero kung may aircon naman na bus at taxi, medyo-medyong sinuswerte, wag lang magkakatapat ng holdaper at pasaherong barat.”
Agree tayo dyan. May kasabihan pa nga tayong “Basta driver, sweet lover.” Isa itong classic quote na ang ibig ipakahulugan, basta raw driver ang karelasyon, walang full moments sa buhay. Of course, hindi yan 100% na reliable, dahil tao rin naman ang driver na susceptible sa hamon ng pangyayari. Ang masasabing ko lang, Basta driver, dapat ay well-trained at maingat, dahil hawak Niya ang manibela, at nasa mga kamay niya ang buhay ng kanyang mga pasahero. Sa kasamaang palad, maraming public utility vehicle drivers ang hindi trained at hindi masyadong educated para sumunod sa batas-trapiko. At ang mga PUV franchise, kukunin sila basta may lisensya sa pagmamaneho, dahilan kaya napakaraming vehicular accidents ang magaganap sa EDSA at Commonwealth Avenue, lalo na kung malapit nang maghatinggabi.
Sa totoo lang, ang buhay ay maikukumpara sa pampasaherong sasakyan, at Ikaw ang driver ng buhay mo. Dapat ay mayroon kang skills and abilities upang imanipula ang manibela. Marunong ka rin dapat mag-discern kung alin ang tama, hindi masyadong tama, at mali. Dapat din, alam mo kung saan ang destinasyon mo, dahil kung hindi, magliligaw ka. Sakaling maligaw, dapat, marunong kang magtanong ng tamang direksyon — kung hindi, wala kang mararating.
Bilang driver ng sarili mong buhay, Ikaw ang magdedesisyon. Aangkinin mo ang responsibilidad sakaling magkamali, at higit sa lahat, tatanggapin mo ng maluwag sa kalooban sakaling mali ang iyong choices.
Mas madaling maging passive passenger, na susunod lang kung saan ka anurin ng traffic, pero hindi ba mas exciting kung Ikaw ang nagdidikta ng direksyon at bilis ng iyong paglalakbay?
Ganyan ang ginawa ni Arnel. Hindi Siya kuntentong magaling na driver lamang na sinuswelduhan ng buwanan. May nag-iisa siyang anak, si Lance, na 11 years old na. Ilang taon na lamang at nag-aaral na ito sa kolehiyo, kaya dapat paghandaan.
At sa unang hakbang, nangutang siya ng pera na pang-down payment sa isang 18-seater Hi-Ace. Gagamitin niya ang sasakyan sa negosyo.
Ani Arnel, nabalitaan niyang naghahanap ng drop-off point ang Lazada na kaya ring mag-deliver ng commodities sa kanilang bayan sa Nasugbu. Ang requirement lang nila ay isang sasakyan, kaya hindi na siya nag-atubiling bumili ng Hi-Ace.
“Walang puhunan, may maintenance fee pa at P10 commission sa bawat maide-deliver na commodity,” Ani Arnel.
Nakakapag-deliver daw siya ng 50 hanggang 200 na commodities araw-araw, bukod pa sa tinatanggap nilang gasoline at maintenance fee linggo-linggo.
“Sa commission pa lang, sapat na para buhayin ko ang anak ko at pag-aralin sa magandang iskwelahan sa high school at senior high,” pagmamalaki ni Arnel. “Yung maintenance fee, iniipon ko yon na panghulog sa Hi-Ace. May sasakyan ka na, may kita ka pa! Wala ka pang amo.”
Kung pinagagaan mo ang iyong buhay; kung ikaw ang nagdededisyon sa dapat mong gawin; kung pinag-isipan mo munang mabuti kung ano talaga ang gusto mo, sino ka, at ano ang pangangailangan mo, Ikaw ang pinakamagaling na driver sa buong mundo, dahil kontrolado mo ang lahat. JAYZL VILLAFANIA
NEBRE