‘THE BIG ONE’ PAGHANDAAN; YOLANDA PART 2 IWASAN – TOLENTINO

FRANCIS TOLENTINO-3

“ANG pagmamalasakit sa mundo ay pagkalinga sa Filipino.”

Ito ang dapat ga­wing gabay ng mga taong gobyerno sa pagdiriwang ng Earth Day,  ayon sa pambatong senatoriable ng admin-istrasyon na si Francis Tolentino dahil isa aniya itong taunang paalala sa pangangaila­ngang pangalagaan ang kalikasan at pagsaga-wa ng mga hakbang upang ihanda ang mamamayan sa masamang epekto ng nagbabagong panahon.

“Dapat magkatuwang. Gawin natin ang nararapat upang pigilan ang patuloy na pagkasira ng kalikasan kasabay ng pagpapatibay ng ating mga lungsod at kabayanan laban sa pananalasa ng nag-aalburutong klima,” ayon kay Tolentino, na pangunahing naatasan ni Pangulong Rodrigo ­Duterte na tugunan noon ang mapaminsalang epekto ng bagyong Ompong.

Ani Tolentino, pinagtibay ng kanyang karanasan bilang dating alkalde at MMDA chairman ang kanyang paniniwala na kailangang bumuo  ng isang ahensiyang  mangunguna sa pag-uugnay ng mga hakbang sa disaster preparedness, dahil iilan lang sa mga lokal na pamahalaan ang may kakakayahang tumugon sa banta ng kalamidad.

“Dapat matuto na tayo sa problema dati. Batid na natin ang kahahantu­ngan kapag bigong ihanda ang mga bayan: libo-libong buhay ang nalalagas, bilyon-bilyong piso ang pinsala. Tanging ang isang department of disaster resiliency ang iiwas sa atin sa Yolanda Part 2, o sa Big One,” giit ni Tolentino.

Pumasa na sa Kamara ang panukalang Department of Disaster Resilience (DDR) na siyang mangangasiwa sa mga gawain tungo sa pag-iwas, pagpapababa ng pinsala, pagtugon, at pagbangon tuwing may sakuna at ka­lamidad. Itatatag din nito ang National Dis-aster Resilience Council (NDRC) na tatayo bilang pangunahing tagapagbalangkas ng mga kaugnay na polisiya.

Umaasa si Tolentino na tatapatan ito ng Senado ng sarili nitong bersiyon sa papasok na Kongreso, kasabay ng pahayag na kanyang sisiguraduhing maisasabatas ito ng susunod na mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan.

“Kung hindi umabot, ang pagpapasa ng batas na ito ang magiging unang priority ko kung pagpapalain akong makapasok sa Senado,” dagdag pa niya.

Comments are closed.