KILALA ang Vietnam sa masasarap na kape, mapa-hot o cold, tiyak na hahanap-hanapin ito.
Kaya naman, ito ang inspirasyon ng couple na sina Marvin at Jessa Macaraig, Chief Executive Officer (CEO) ng The Pretty You Prime Aesthetic Clinic, para itayo ang Pretty You Café na may unang branch sa 3rd floor Norkis Building, Number 11 Calbayog Street, Mandaluyong City.
“Noong nasa Vietnam ako, napansin ko na tabi-tabi ang nagtitinda ng kape, kaya naman bakit hindi ko dalhin sa Pilipinas ang ganitong klase ng negosyo,” kuwento ni Mrs. Jessa Macaraig.
Dahil tumatakbo na rin ang kanyang negosyong The Pretty You Prime Aesthetic Clinic, idinagdag niya ang TPY Café.
Paliwanag ni Miss Jessa, malaki ang koneksyon ng TPY Café sa kanyang aesthetic clinic dahil karaniwan na sa kanyang mga kliyente ay kasama ang pamilya at upang may lounge na maaaring mag-stay.
“TPY Café, product siya ng TPY Aesthetic Clinic, kasi madalas may mga client kami na may kasamang family, so, wala silang matambayan and naisip ko, other source of income na rin ay magkaroon sila (family of client) ng place na puwedeng mag-stay sila,” ayon kay Mrs. Macaraig.
WELLNESS
Hindi lang basta kape lang ang ino-offer ng TPY Café, mayroon ding pastries na naka-incorporate sa wellness.
“Ang pastries namin, incorporate siya sa wellness, oatmeal nakapapayat din, at yung coffee natin mayroon siyang glutathione, whitening, may collagen at may L-Carnitine, so naisip ko, itong TPY Aesthetic Clinic, mga skin care ‘yung ating services mga vitamin, kaya itong coffee and pastries nakalinya rin para sa pampaganda at wellness,” paliwanag pa ni Macaraig.
BUSINESS DEDICATION
Nitong Pebrero 4 ay isinagawa ang business dedication sa TPY Café kasabay ng pormal na pagbubukas nito sa coffee and pastries lovers para ma-experience ang kapeng hindi lang makaka-boost ng energy levels at support brain health kundi maaari ring makapag-promote sa weight management.
Para sa Macaraig couple, ang pagsisimula ng operasyon ng TPY Café ay dapat tumanggap muna ng gabay mula sa Creator at ang kanilang pagsusulong sa negosyo ay nakabase sa mga salita ng Diyos.
Isa ring pagpapasalamat ang pagkakaroon ng “baby product” ng TPY.
BUSINESS PLAN
Mula sa main business na TPY Aesthetic Clinic, bukas ang prangkisa nito at target ni Mrs. Macaraig na lahat ng sangay ng clinic ay mayroon na ring TPY Café.
“Puwede namang clinic lang, pero ini-encourage ko ang franchisee na mayroon na ring Café,” ani Mrs. Jessa Macaraig.
Ang halaga ng prangkisa ay P4M, whole package na kasama ang TPY Café.
COLLABORATION
Sa ngayon mayroon nang 25 sangay ang The Pretty You Aesthetic Clinic sa Metro Manila, Mindanao at ang pinakahuli na itinatayo ay sa Malolos City at Baliuag sa Bulacan.
Dati ring may sariling skin line ang TPY subalit para matulungan ng ibang negosyante ay pumasok siya sa collaboration, kung saan dinadala o ini-endorse nila ang mahuhusay na beauty products.
“Ngayon, nag-collab ako sa mga magagandang products, then, naging partner ko sila, I think collaboration is magandang technic ngayon,” ani Mrs. Macaraig.
Positibo rin si Mrs. Jessa Macaraig na madaragdagan pa ang kanilang sangay dahil may kalidad ang kanilang serbisyo.
Dahil pinakabago ang kanilang TPY Café, nakatutok ang Macaraig couple sa operasyon nito, maging ang kalidad ng produkto na kape at pastries gayundin sa kanilang serbisyo. EUNICE CELARIO