PINAKAMAHALAGANG organ sa katawan ng tao ang puso. Sa bansa, ang sakit sa puso ang pangunahing sanhi ng kamatayan. Kaya dapat lamang nating ingatan ang ating puso. Sa pagtigil nga naman ng pagtibok nito, nangangahulugan ito ng kamatayan.
May kaibahan ang stroke, cardiac arrest, at atake sa puso. Ang stroke ay tumutukoy sa kondisyon kung saan ang suplay ng dugo patungong utak ay nalilimitahan o humihinto. Maaaring dahil sa nabarahan o pumutok na ugat. Ang pangunahing dahilan nito ay altapresyon, pamumuo ng dugo sa mga ugat patungong utak at sobrang cholesterol sa katawan.
Ang cardiac arrest naman ay tumutukoy sa kondisyon kung saan ang puso ay biglang huminto sa pagtibok. Pangunahing sanhi nito ang abnormalidad sa ritmo ng tibok ng puso.
Samantalang ang atake sa puso naman ay nangyayari kung ang suplay ng dugo sa mga kalamnan ng puso ay nalilimitahan o humihinto. Maaaring dahil sa pagbabara ng namuong dugo o cholesterol sa mga ugat. Puwede rin namang dahil sa pumutok ang mismong ugat na nagsusuplay ng dugo sa puso. Pangunahing dahilan naman nito ang coronary artery disease, sobrang cholesterol sa katawan, altapresyon at pamumuo ng dugo sa mga ugat patungo sa puso.
Sa ilan ding pag-aaral ay natuklasang ang matinding stress ang kadalasang sanhi ng pagkakaroon ng sakit sa puso. Ito ay dahil sa nagkakaroon ng reaksiyon ang hormones sa katawan ng tao sa mga pagkakataong nakararanas ng stress. At isa sa maaaring reaksiyon ng hormones ang pagbara sa mga daluyan ng dugo at pagtigil sa pag-ikot ng oxygen sa katawan.
SENYALES NG PAGKAKAROON NG SAKIT SA PUSO
Pinangangambahan ng marami ang sakit sa puso. Taon-taon nga naman ay tumataas ang porsiyento ng namamatay dahil sa sakit sa puso. Pabata rin nang pabata ang nagkakaroon nito. At dahil dito, narito ang ilan sa karaniwang nararanasan o senyales ng may sakit sa puso:
PANINIKIP NG DIBDIB. Sa pagsikip pa lang ng dibdib, naaalarma na ang marami sa atin at tumatatak agad sa isipan na konektado ito sa puso. Tunay nga namang ang paninikip ng dibdib ang isang senyales ng pagkakaroon ng sakit sa puso. Ang pananakit ay nararamdaman mula sa gitna ng dibdib at gumagapang papunta sa kaliwa ng dibdib.
MABILIS NA PAGKAPAGOD. Ang anumang iregularidad sa paggana ng puso ay puwedeng maging sanhi ng mabilis na pagkapagod ng katawan. Kaya naman, hindi dapat na pinababayaan ang nasabing senyales.
Kung napadadalas ang pagkapagod o napapagod agad kahit wala namang gaanong ginagawa, para makasiguro ay magpatingin kaagad sa doktor.
PAGKAHILO. Pangunahing senyales din ang pagkahilo sa pagkakaroon ng sakit sa puso. Puwedeng sanhi ito sa kakulangan ng sapat na suplay ng dugo sa ulo na nangyayari kapag hindi regular ang paggana ng puso.
MABILIS O IREGULAR NA PULSO. Maiuugnay rin sa pagkakaroon ng problema sa puso ang irregular o pabago-bagong ritmo ng pagtibok ng puso at maging ng pulso.
NAHIHIRAPANG HUMINGA. Isa ring malinaw na senyales ng sakit sa puso ang hirap sa paghinga. Ngunit maaari rin naman konektado o dahilan lamang ito ng ibang sakit gaya ng hika. Gayunpaman, hindi ito dapat balewalain.
KAWALAN NG GANANG KUMAIN. Ang kawalan din ng gana sa pagkain ang pangkaraniwang senyales ng pagkakaroon ng sakit sa puso. Kaya kung bigla-biglang nawawalan ng gana sa pagkain, magpatingin sa doktor nang malaman ang tunay na sanhi.
PARAAN PARA MAIWASAN ANG SAKIT SA PUSO
Nakababahala nga naman ang sakit sa puso o kahit na anong sakit o kondisyong may kinalaman sa puso. Kaya nararapat lamang na pag-ingatan natin ang ating katawan at kalusugan. Dahil diyan, narito ang ilan sa tips upang maiwasan ang nakaaalarmang sakit:
REGULAR NA MAGPATINGIN SA DOKTOR. Importante ang regular na pagpapatingin o pagkunsulta sa doktor upang malaman ang kalagayan ng puso. Para sakali mang mayroong iniinda o sakit, maagapan kaagad ito.
Karamihan sa atin ay ayaw na ayaw ang magpatingin. Ngunit sabihin mang ayaw nating magpatingin at natatakot tayo sa maaaring malaman o kondisyong mayroon tayo, importante pa ring malaman natin ang kalagayan ng ating katawan at kalusugan.
HEART-HEARTY DIET. Importante rin ang pagpapanatiling masustansiya ang pagkaing kahihiligan. Kaya naman, mainam na bantayan ang mga kinakain. Piliin ang mga heart-hearty diet nang masiguro ang malusog na puso.
Bukod sa nakapagpapalusog ng puso ang heart-healthy diet, nakapagpapagaan din ito ng pakiramdam.
MAG-EHERSISYO. Isa rin sa mainam gawin upang mapanatiling malusog ang pangangatawan at maiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa puso ang regular na pag-eehersisyo. Napakarami nga namang benepisyo ang pag-eehersisyo kaya’t maglaan tayo ng panahong gawin ito.
Ang pagiging aktibo ay nakapagpapahaba at nakapagpapasigla ng buhay.
IWASAN ANG STRESS. Dahil isa sa dahilan ng sakit sa puso ang stress, mainam kung iiwasan ito. Oo, maraming dahilan kaya’t nai-stress ang marami sa atin. Gayunpaman, matuto tayong i-handle ito. O ang mas maganda, iwasan para sa malusog na pangangatawan at puso.
SUPERFOOD PARA SA PUSO
May mga pagkain ding mainam sa puso. At ilan sa mga iyan ay ang sumusunod:
LEAFY GREEN VEGETABLES. Ang mga berdeng gulay ay napakaganda sa katawan lalo na sa malusog na puso. Mayaman sa vitamin K ang mga mabeberdeng gulay gaya ng spinach at kale na tumutulong upang maprotektahan ang arteries at maayos ang daloy ng dugo. Kaya kung gusto mo ng malusog na puso, kahiligan ang leafy green vegetables.
AVOCADO. Mainam din ang avocado sa puso dahil mayaman ito sa monounsaturated fats na nagpapababa ng level ng cholesterol at nakapagpapababa ng risk ng sakit sa puso.
FATTY FISH. Isa pa sa mainam kahiligan para sa malusog na puso ang fatty fish gaya ng salmon, mackerel, sardines at tuna dahil sa taglay nitong omega-3 fatty acids.
DARK CHOCOLATE. Mayaman naman sa antioxidants ang dark chocolate kaya’t maganda rin ito sa kalusugan ng puso. Ang taglay na flavonoids nito ay nakapagpapababa ng pag-develop ng calcified plaque sa arteries at coronary heart disease.
TOMATOES. Ang antioxidants ng kamatis ay mainam naman upang ma-neutralize ang harmful free radicals na nagiging sanhi ng sakit sa puso. Kaya naman, ugaliin ang pagkain ng kamatis. Swak din itong isama sa mga lutuin.
GARLIC. Isa ang garlic o bawang sa matagal nang ginagamit ng ating mga ninunong panggamot sa iba’t ibang sakit. Epektibo nga naman ito. At isa pa sa naidudulot ng bawang ay pinabababa nito ang cholesterol at blood pressure.
Maraming paraan para maiwasan ang nagkalat na sakit sa paligid. Maging maingat lang at regular na magpakunsulta sa doktor.
(source: kalusugan.ph, healthline.com) CT SARIGUMBA
Comments are closed.