DAHIL sa magandang performance ni Scottie Thompson ay binigyan siya ulit ng Ginebra management ng 3-year contract. Bagama’t end of season pa mapapaso ang kontrata ni Thompson ay in-extend na ito ng Gin Kings. Sa husay na ipinakita niya sa Commissioner’s Cup ay napili si Scottie bilang Finals MVP ng PBA Press Corps. Ayon kay coach Tim Cone, energetic si Thompson. Sa practice o actual game ay walang pagkakaiba ang ipinakikita ng dating manlalaro ng Perpetual College.
Si Alex Cabagnot naman ng San Miguel Beer ay in-extend ng dalawang taon ang kontrata. Si Alex ay may anim na championship na sa 11 conferences. Itinanghal siyang Finals MVP ng PBA Press Corps noong 2017 Commissioner’s Cup. Congrats to Cabagnot and Thompson para sa kani-kanilang bagong kontrata.
oOo
Ngayong gabi ang pinakahihintay na laro ng Team Pilipinas kontra Qatar na gagawin sa Araneta Coliseum. Sa unang pagkakataon ay lalaruin ang isang international basketball tournament na closed door. Walang fans na papapasukin sa coliseum alinsunod sa ipinataw na parusa ng FIBA sa Filipinas. Sanhi ito ng kaguluhan na nangyari noong July 2 sa Philippine Arena sa laro ng mga Pinoy at Australians. Siguradong nakabibingi ang katahimikan sa loob ng Big Dome.
oOo
Mukhang magkakaroon na ng katuparan ang pangarap ng fans nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather na magharap muli ang dalawa sa ibabaw ng ring. Matagal nang hinihiling ng fans ng dalawa na mag-rematch sila matapos ang laban nila noong 2015 sa Las Vegas. Si Pacquiao ay magdiriwang ng ika-40 kaarawan sa December. Sa huling laban ng Pambansang Kamao ay nanalo ito kontra Lucas Matthysse. Good luck, sana nga matuloy ito.
Comments are closed.